ISINAMPA sa Commission on Elections (COMELEC) ang disqualification case laban sa mga magkakamag-anak na Tulfo dahil sa isyu ng citizenship at political dynasty.
Sa petisyon ng isang abogado na si Virgilio Garcia, sinabi nitong hindi kwalipikado na humawak ng posisyon sa gobyerno ang mga Tulfo dahil hindi sila natural born citizen at ang kanilang pamilya ay bahagi ng political dynasty na labag o ipinagbabawal ng Saligang Batas.
Respondents sa petisyon ay sina ACT-CIS Rep. Erwin Tulfo at Ben Tulfo na parehong tumatakbo sa pagkasenador, gayundin si ACT CIS Rep. Jocelyn Pua-Tulfo at si Quezon City 2nd District Representative Ralph Wendel Tulfo na parehong reelectionists sa May 12 elections.
Respondent din sa DQ Case ang 1st nominee ng Turismo Party-List Group na si Wanda Tulfo-Teo.
Si Jocelyn at Ralph Wendel Tulfo ay asawa at anak ni Sen. Raffy Tulfo habang nakababatang kapatid naman nito sina Erwin, Ben, at Wanda Tulfo.
Ayon pa sa petisyon, bigo ang mga respondents na magkaroon ng sapat na requirement para sila ay maituring na natural born citizen sa ilalim ng Konstitusyon.
Matatandaan na minsan nang inamin ni Erwin Tulfo na naging American Citizen ito noong taong 1988 pero naibalik aniya nito ang kaniyang Filipino Citizenship noong taong 2022.
Dahil sa mga nasabing ground, ay hindi raw dapat makatakbo pa sa 2025 national at local elections ang mga Tulfo.
Ngayong araw ay inaasahan na maira-raffle na sa dalawang dibisyon ng COMELEC ang petisyon para sa kanilang diskwalipikasyon.