Mga tulong, suporta ni Mayor Alice Guo sa PNP, sinisilip kung may mga iregularidad

Mga tulong, suporta ni Mayor Alice Guo sa PNP, sinisilip kung may mga iregularidad

TINITINGNAN na ngayon ng Philippine National Police (PNP) ang legalidad sa mga ipinaabot na tulong at suporta ni suspended Bamban Mayor Alice Guo sa tanggapan ng pulis sa Bamban, Tarlac.

Ito’y para mailayo ang PNP sa posibilidad na nagagamit ang tanggapan para protektahan ang anumang mga ilegal na aktibidad o gawain ng nasabing alkalde kung mayroon man.

Paliwanag ng PNP, maingat sila sa pagtanggap ng mga tulong o donasyon mula sa mga indibidwal pero wala naman silang nakikitang mali sa mga naunang tinanggap na tulong mula kay Guo.

Gayunpaman, bukas ang PNP na imbestigahan ang isyung ito.

“We have to stress na ‘yung mga donation na po ito ay walang strings attached. Ibig sabihin po nito, ito ay voluntary on their part at walang hinihinging kapalit, on the part of the PNP except of course sa basic delivery of public service. With respect doon sa naging donation po ni Mayor Guo sa Bamban, then we will check if the donation was properly done kung may memo of agreement, may deed of donation po ba ito. Chi-checkin po natin. Kung wala naman pong irregularity sa donation po I don’t see any malice sa donation, but just the same sabi ko nga reviewhin po natin kung ano po ‘yung background ng donation na ito,” ayon kay Col. Jean Fajardo, Chief, PNP-PIO.

Nauna nang inamin ng PNP ang kakulangan sa kanilang mga kagamitan at pondo sa pagpapaayos ng kani-kanilang mga tanggapan kaya’t bukas sila sa mga donasyon.

“Dapat nga po may proper deed of donation. Nakasaad kung anu-ano ang mga ito, sino ang intended recipient at saan lamang po dapat ito gamitin, at dumadaan naman po ‘yan sa ating mga legal officer at pinag-aaralan po nila bago magkaroon ng actual acceptance po, ‘di lamang sa side ni Mayor Guo kundi maging sa iba po tayo na nagdo-donate na private companies as part of their CSR. Even sa ating mga mambabatas, may mga nagdo-donate po at part ng kanilang congressional allotments po though lahat naman ng mga ito ay dumadaan sa aming directorate for logistics to make sure na lahat ng donations ay dadaan sa tamang proseso,” dagdag pa ni Fajardo.

Sa ngayon katuwang ng PNP ang Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) sa pag-imbestiga sa iba pang ilegal na aktibidad ng mga POGO sa bansa na ilang beses nang nasasangkot sa iba’t ibang krimen gaya ng kidnapping, torture, at sex trafficking.

Isa sa mga pinakamainit ngayon ay ang pagkakadiskubre ng isang scam farm sa Porac, Pampanga kung saan patung-patong na mga paglabag ang kinakaharap nito dahil na rin sa mga reklamong tinanggap ng mga awtoridad mula sa mga biktima nitong banyaga.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble