Mga turista, bawal pa ring pumasok sa Tabon Caves sa Quezon, Palawan

Mga turista, bawal pa ring pumasok sa Tabon Caves sa Quezon, Palawan

HINDI pa rin pinahihintulutang makapasok ang mga turista sa Tabon Caves sa bayan ng Quezon, Palawan kung saan tanging residente lamang ng bayan ang pwedeng pumasok.

Patuloy pa ring ipinatutupad ng Municipal Inter-Agency Task Force (MIATF) ng bayan ng Quezon ang regulasyon para sa mga turista na nais pumasyal sa mga tourist destination sa bayan ng Quezon partikular na sa Tabon Caves.

Sa ngayon, tanging residente lamang muna ang pinapayagan mamasyal bilang pag-iingat laban sa COVID-19.

Ayon kay Municipal Information Officer Noli Laurio, nasa 5 buwan nang pinaiiral ang regulasyon na ito at hindi pa matiyak kung magtatagal at kung kailan muling bubuksan para sa lahat ng turista sa dahilang wala pang bagong desisyon ang lokal na pamahalaan, at ang national museum.

Nangangamba rin ang lungsod dahil sa banta ng Delta variant.

Magugunitang noong ikalawang linggo ng Abril nang ipag-utos ng MIATF ang patakaran na tanging residente lamang ang maaaring pumasyal sa Tabon Cave dahil na rin sa pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa lalawigan ng Palawan at sa lungsod ng Puerto Princesa.

Paalala pa ni Laurio sa mga residente na nais kumuha ng entry permit sa Tabon Cave Complex na sundin ang mga patakarang pinaiiral at patuloy na sumunod sa health protocols gaya ng pagsuot ng face mask.

Samantala, naniniwala si Mayor Joselito Ayala na kailangang pagalawin ang tourism sector sa bayan na malaki ang maitutulong sa mamamayan ngunit hindi pwedeng ipagwalang-bahala ang kaligtasan ng bawat isa habang nasa gitna ng pandemya.

(BASAHIN: Malakanyang, tiwalang makababawi ang ekonomiya ng bansa pagkatapos ng ECQ sa NCR)

SMNI NEWS