TULOY-tuloy pa rin ang pagsisikap na ginagawa ng pamahalaan para matulungan ang mga overseas Filipino workers (OFW) na may unpaid salary sa Saudi Arabia simula pa noong 2015, pero ayon sa grupo ng recruitment agency tumanggap naman ang ibang OFW ng full at partial recovery kaugnay sa hindi nababayarang suweldo.
Inihayag ni Atty. David Castillon ang founder at chairman ng Special Alliance of Welfare Officer, Advocate, Recruiters and Migrant Workers (SWARM) na tumanggap ng partial at full payment ang ilang OFW na biktima ng hindi pagpapasuweldo ng kanilang mga employer sa Kingdom of Saudi Arabia.
Paglilinaw ni Castillon, kapag may mga OFW na nagkakaroon ng ganitong problema ay agad naman silang dumudulog sa National Labor Relations Commission (NLRC) o di kaya sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA) para sampahan ng kaso ang ahensiyang nag-hire sa OFW.
Sa ilalim ng batas, obligasyon ang recruitment agency na bayaran ang OFW kung bigong makapagsuweldo ang kanilang mga employer sa ilalim ng Joint and Solidary liability.
Ayon din kay Castillon maaring marami na ang tumanggap ng bayad mula sa kanilang recruitment agency pero hindi maituturing na full recovery.
Paglilinaw rin ni Castillon, maaring hindi buong halaga ng kaniyang buong suweldo ang makukuha niya sa recruitment agency dahil pinapayagan naman sa batas ang tinatawag na ‘amicable settlement’, ibig sabihin partial lang ang napagkasunduan na ibabayad sa isang OFW.
Kaya naman hindi rin maikakaila na maraming mga recruitment agency ang nagsasara dahil dito.
Pero paano naman yung mga binayaran ng kanilang recruitment agency ng partial ay tatanggap naman sila ng buong bayad mula sa Saudi Government na ipinangako nito sa Philippine Government.
Matatandaan, araw ng Sabado ay nilagdaan nina Migrant Workers Secretary Susan Ople at Social Welfare Secretary Rex Gatchalian ang memorandum of agreement (MOA) na magbibigay ng P10,000 bilang tulong-pinansiyal sa bawat manggagawang naghahanap ng hindi nababayarang sahod mula sa ilang Saudi construction company na nagdeklara ng bankruptcy mula 2015 hanggang 2019.
Ang tulong-pinansiyal ay magkasanib na ginawa sa pagitan ng Department of Migrant Workers (DMW) at ng kaakibat nitong ahensiya, ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), at ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Isa rin sa pinangangambahan ng SWARM na inaabuso ng mga employer ang concept na Joint and Solidary Liability na umiiral sa bansa.