NAGPASALAMAT ang Department of National Defense (DND) sa Australia para sa donasyon nilang training facility sa Philippine Air Force.
Pinasinayaan nina Defense acting Undersecretary Angelito de Leon at Australian Ambassador to the Philippines Hae Kyong Yu ang bagong Close Air Support Part Task Trainer, Classroom and Debriefing Facility sa Colonel Ernesto Rabina Air Base sa Capas, Tarlac.
Gagamitin ang pasilidad ng mga piloto at tauhan ng 710th Special Operations Wing (SPOW) na ang pangunahing misyon ay magbigay ng close air support sa combat operations.
Naging posible ang donasyon sa pamamagitan ng Philippines-Australia Enhanced Defense Cooperation Program (EDCP) na nilagdaan noong Disyembre 2019.
Layunin ng kasunduan na mapatatag ang defense relationship ng Pilipinas at Australia lalo na sa counter-terrorism efforts.