PAIIMBESTIGAHAN ng ilang kongresista ang malagim na landslide sa Maco, Davao de Oro at isasalang sa review ang charter ng Mines and Geosciences Bureau (MGB) Law.
Ang paksa ay saklaw ng House Resolution No. 1586 nina ACT-CIS Rep. Erwin Tulfo, dalawa pang kinatawan ng ACT-CIS at ni Davao de Oro 2nd District Rep. Ruwel Peter Gonzaga.
Ayon kay Tulfo, maiiwasan sana ang pagkasawi ng mga nadamay sa landslide kung mahigpit na naipatupad ang ‘no ‘build zone’ sa lugar.
Nais ding malaman ng Kamara kung ano ang ginawa ng MGB kung bakit hindi naipatupad ang kautusan kahit na 2008 pa ito nag-abiso na delikadong magtayo ng bahay sa ground zero ng landslide.
Sa ngayon, nasa 50 katao na ang kumpirmadong nasawi sa malagim na trahedya na nangyari noong Pebrero 6.
“Ang tanong, bakit may tao pa rin doon at hinayaan lang sila na manirahan sa lugar kahit na gumuguho ang lupa nito?” ani Tulfo.
Hindi ito ang unang landslide sa Davao de Oro dahil noong 2012 at 2015, nagkaroon ng pagguho ng lupa sa mga minahan sa bayan ng Napnapan ng probinsiya at sa Diwalwal naman noong 2005 at 2007.