Mike Rama, 3 pang lokal na kandidato naghain ng protesta sa COMELEC

Mike Rama, 3 pang lokal na kandidato naghain ng protesta sa COMELEC

ISANG linggo pagkatapos ng halalan noong Mayo 12, marami ang nagpahayag ng kanilang opinyon na nagkaroon ng dayaan sa halalan dahil na rin sa mga lumabas na isyu sa resibo at transmission ng mga boto.

Matatandaan na si Kingdom of Jesus Christ (KOJC) leader Pastor Apollo Quiboloy ang kauna-unahang naglakas-loob na manawagan sa Commission on Elections (COMELEC) na magkaroon ng manual recount kasunod ng mga naiulat na discrepancies.

May mga local candidate na ring humihirit ng manual recount sa COMELEC kasabay ng paghahain ng election protest ngayong araw.

Ang natalong mayoral candidate sa San Fernando, Pampanga na si Mylyn Pineda Cayabyab ang kauna-unahang naghain ng protesta matapos ang midterm elections.

Ang kaniyang election protest ay inihain ng kaniyang abogado, na may kalakip na kahon-kahong affidavit mula sa halos 13K botante na may mga reklamo.

Ayon sa abogado, posibleng may nangyaring dayaan lalo na’t imposible aniya na talo ang kaniyang kliyente sa lahat ng presinto sa kanilang lugar.

Ang mga Pineda ay matagal nang politiko sa lugar.

Si Mylyn ay minsang nanalo bilang board member at alkalde ng Lubao, Pampanga.

Panawagan nila ngayon, mag-manual recount ang COMELEC.

“It’s really possible that been some actions perpetrated individuals to really hijack the elections,” ayon kay Atty. Joseph Miranda, Legal Counsel ni Mylyn Pineda-Cayabyab.

Isa pa sa naghain ng election protest ngayon ay si Cebu City Mayor Mike Rama na pumangatlo lang sa halalan.

Ayon kay Rama, malinaw na tinarahabo siya ngayong halalan lalo na’t bago ang halalan ay nangunguna siya sa boto.

May mga isyu aniya sa mga automated counting machines at panawagan niya na mabuksan lahat ng balota at magkaroon ng nationwide manual recount.

Panawagan din nito na sa susunod na eleksiyon, ay magkaroon na ng hybrid na eleksiyon kung saan may automated at mano-manong paraan na proseso sa eleksiyon.

Maliban kina Rama at Cayabyab, may dalawa pang lokal na kandidato sa Catanduanes at Dumaguete ang naghain rin ng protesta sa nangyaring halalan.

Ayon kay COMELEC Chairman Atty. George Garcia, ang mga natalo sa halalan puwede mag-file ng election protest sa loob ng 10 araw pagkatapos ng proklamasyon.

Inaasahan ng komisyon na dadagsain sila ng mga ganitong protesta bilang bahagi ng proseso ng eleksiyon.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble