TULUYAN nang natuldukan ang bakbakan sa pagitan ng tropa ng gobyerno at Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa Barangay Ulitan, Ungkaya Pukan, Basilan na nagsimula noong Nobyembre 8.
Ito ay matapos lumagda sa kasunduan ang magkabilang panig na pinangasiwaan ng Government of the Philippines (GPH)-MILF Coordinating Committee on the Cessation of Hostilities (CCCH) at Ad Hoc Joint Action Group (AHJAG).
Ayon kay AFP Western Mindanao Command (WestMinCom) acting commander Brigadier General Arturo Rojas, kabilang sa napagkasunduan nila ay ang agarang pagpatutupad ng ceasefire at pag-pull out sa MILF-BIAF reinforcements na hindi residente ng Barangay Ulitan.
Papayagan din ang grupo ni MILF commander Huram Malangka at kanilang pamilya na bumalik sa Barangay Ulitan kasama ang kanilang mga armas na itatago habang hinihintay ang decommissioning.
Magtatatag naman ng composite ang AFP, PNP at MILF detachment upang matutukan ang problema sa lawless elements.
Habang hinihimok na ipagbigay-alam sa GPH-MILF, CCCH at AHJAG kung may problema na may kinalaman sa MILF sa lugar.