NAMAHAGI ng pagkain ang mga tauhan ng 1st Civil Relations Group (CRG) ng AFP Northern Luzon Command (NOLCOM) sa mga kababayan nating nasa lansangan sa Tarlac City.
Ayon kay Major Al Anthony Pueblas, acting group commander ng 1st CRG, nasa 50 food packs ang ipinamahagi ng mga sundalo katuwang ang Regional Emergency Assistance Communication Team (REACT) Region 3.
Layunin aniya nito na maiparamdam sa mga kapus-palad nating kababayan ang diwa ng Pasko.
Tiniyak ni Pueblas na patuloy silang makikipagtulungan sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno at non-government organizations (NGOs) at indibidwal upang makatulong sa iba.
Umaasa ang militar na ang kanilang simpleng hakbang ay makahihikayat sa iba na gumawa rin ng “charitable works” lalo na sa kanilang mga komunidad o mga kapitbahay na nangangailangan ngayong Pasko.