TULOY-tuloy ang pagbibigay ng libreng serbisyong medikal ng Sultan Kudarat Provincial Hospital.
Katunayan, naabutan ng SMNI News team na umiikot ang hospital director na si Dr. Rex Lamprea sa mga pasilidad ng pagamutan.
Pinakabilin daw ng kanilang provincial government ang tiyaking matutulungan ang bawat pasyenteng dinadala sa kanila.
Kaya ang dating maximum capacity na 200 pasyente araw-araw, ngayon ay lumalagpas na sa 300.
Mula sa mga malulubha hanggang sa simpleng karamdaman, tinutugunan ito ng ospital.
Kapalit nito ay milyun-milyong halaga ng hospital billing.
Kagaya nitong billing na ipinakita sa SMNI News.
“Millions ang bill niya. So P1.2 million, So ito yung buong billing niya Doc? Yes. (June 28 ito She?) June 28. (Tapos ito yung?) Sagot ng provincial government. Paglabas ng pasyenteng ito, wala siyang binayaran sa P1.2 million,” saad ni Dr. Rex Lamprea, Hospital Director, Sultan Kudarat Provincial Hospital.
Kung nakayanan nilang gawing libre ang mahigit isang milyong billing, ganoon din ang trato sa mga pasyenteng mas mababa ang bill.
Ito ay sa ilalim ng No Balance Billing (NBB) program ni Sultan Kudarat Governor Datu Pax Ali Mangudadatu.
“Sagot na ng provincial government. Ito ‘yung flyers natin. Ina-attached natin ‘yan sa discharge form ng patient. May flyers sila,” dagdag ni Lamprea.
Ayon kay Dr. Lamprea, sama-sama silang nagtutulungan para mapanatili ang NBB program, at hands-on dito ang kanilang gobernador.
Lahat ng available government programs tulad ng Malasakit at PhilHealth ay pinagsasama nila para sa operasyon ng programa.
Dinagdagan rin nila ang technical staff para sa mas mabilis at maayos na pagproseso ng claims.
“But since, madami tayong staff na tutok na tutok sa PhilHealth, nagkaroon tayo ng systematic na pag-process ng ating PhilHealth kaya medyo lumaki ang ating mga claims,” ani Lamprea.
Dahil dito, pinili ni Alex na taga-South Cotabato na sa Sultan Kudarat magpa-ospital.
Kaya ang kaniyang regular na dialysis—nalibre na.
“Walang diskriminasyon, pantay-pantay kami lahat dito. Kita mo taga-South Cotabato ako pero nagpunta pa ako sa kanila. Supposed to be doon lang ako sa South Cotabato. Sana marami pa silang matulungan, hindi lang ako. Marami pa ito,” wika ni Alex Dedel, Benepisyaryo ng Free Hospitalization.
Bihirang-bihira ang ganitong uri ng medical service sa bansa.
Sa Metro Manila halimbawa, lahat ng galaw ay may bayad kagaya ng lab examination, gamot at iba pa.
Dagdagan mo pa ng mataas na presyo ng mga bilihin at pangunahing serbisyo.
Kaya malaking bagay ayon sa mga residente ng Sultan Kudarat na mula admission hanggang discharge ay libre itong naipagkakaloob sa kanila.
Patuloy na pinagsisikapan ng SK Provincial Hospital na pagandahin at pabilisin ang kanilang serbisyo.
Mensahe nila kay Governor Mangudadatu…
“We are very thankful, happy na kayo ang naging governor namin with all your support and help sa hospital natin,” ayon pa kay Lamprea.