MULI na namang magbibigay ang LTO ng lisensiyang plastik kasunod ng sunud-sunod na dating ng suplay na plastic cards.
Mayo noong nakaraang taon ang huling renew ng lisensiya ng overseas Filipino worker (OFW) na si Efren.
Pero, noong Enero lamang ngayong taon ay nawala nito ang lisensiyang plastik habang bumibiyahe.
Kung kaya’t, tumungo ito sa Land Transportation Office (LTO) para sana makakuha ulit ng lisensiya, ‘yun nga lang naubusan ng suplay dahilan para mabigyan ito ng lisensiyang papel.
“Puwerwisyo dahil kailangan ng mga OFW ‘yung plastic talaga kasi kapag hinihingi ng agency ‘yung kailangan ibigay mo o i-submit mo,” ayon kay Efren na isang motorista.
“Hindi ako kumportable parang may kulang eh, tingnan mo nga hindi mo nga malagay sa wallet,” dagdag pa nito.
Maging ang bus drayber na si Alfredo ay paulit-ulit na aniya nasisita ng mga awtoridad dahil sa lisensiyang papel ang naipapakita nito.
Kaya, umaasa siyang makakakuha ng plastic card na lisensiya sa kaniyang pagre-renew ngayon.
“Mabigat po, pa minsan ay problema po mamaya kapag hinuli ka sa ibang lugar na hindi dito sa Maynila sisitahin ka dahil ang lisensiya mo ay papel,” ayon naman kay Alfredo na isang bus driver.
Maaari nang makakuha ng driver’s license na plastic card dito sa LTO. Pero, may paalala ang ahensiya na by schedule ang pagkuha at hindi kailangan dumagsa sa iba’t ibang district offices.
“Ginawa nating schedule basis para hindi po magdagsaan no. So, ‘yung nag-expire nung ng April 2023 at August 2023 including ‘yung nag-expire nung April, they have until April 30 within which to get their cards and renew their licenses kung nag-expired na po ‘yan. After April 30 may penalty na po ‘yan,” ayon kay Asec. Vigor Mendoza II, Chief, LTO.
Sa mga tumanggap ng lisensiyang papel mula September hanggang December 2023 ay buong buwan ng Mayo maaaring makapagpalit ng plastik. At sa mga kumuha ng lisensiya simula January hanggang March ay maaari namang kumuha sa buong buwan ng Hunyo.
Ang anunsiyo na ito ng ahensiya ay matapos alisin ng Court of Appeals (CA) ang injunction order sa delivery ng plastic cards mula sa supplier na Banner Plastic.
Marso 2024 lamang ay nai-deliver ang unang isang milyong cards sa LTO.
Zero backlog sa lisensiya, target sa Hunyo
Araw naman ng Lunes, Abril 15 ay dumating ang karagdagang 600,000 plastic cards na bahagi ng 3.2 milyong piraso.
Simula kasing ipahinto ng korte ang delivery ng plastic cards noong Oktubre 2023 ay tumambak sa 4.1 milyon ang backlog ng LTO sa pag-isyu ng plastik na lisensiya.
“Ang laking bagay po sa amin ‘yan, dagdag na releases na 3.2 million cards. Ang laking bagay sa pag-comply namin sa aming obligasyon sa mga motorista na magkaroon sila na finally ito ‘yung plastic card na inaasam,” ani Mendoza.
Pumirma naman ng isa pang kontrata ang LTO para naman sa 6.5 milyong plastic cards.
Makakaasa aniya ang motorista na sa darating na buwan ng Hunyo ay maisasakatuparan na ang zero backlog na sa driver’s license.