PUMANAW na si Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Danilo Lim ngayong umaga sa edad na 65.
Kinumpirma ito ni Presidential Spokesperson Harry Roque.
Pumanaw si MMDA Chairman Danny Lim dahil sa cardiac arrest. Nasawi rin ito habang nilalabanan ang COVID-19.
Nagpaabot naman ng pakikidalamhati ang Malacañang sa pamilya, kaibigan at mga katrabaho ng MMDA chairman.
Matatandaang Disyembre 29 ng inanunsyo ni Lim na nagpositibo siya sa COVID-19 pero nananatiling mild ang kanyang nararanasang sintomas.
Papagaling na raw sana ito sa virus nang masawi sa ospital.
Si Lim ay miyembro ng Philippine Military Class of 1978.
Dating rin itong Deputy Commissioner for Intelligence ng Bureau of Customs.
Nakulong si Lim noong 2006 hanggang 2010 kaugnay sa kasong rebelsyon matapos ang bigong coup d’état laban kay dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
Taong 2017 nang palitan ni Lim ang dating chairperson at general manager ng MMDA na si Thomas Orbos sa ilalim ng administration ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Isang misa naman ang ginawa sa tanggapan ng MMDA bilang pag-alala sa mga nagawa ni Lim.
Ang buong tanggapan ngayong araw, nabalot ng lungkot dahil sa masamang balita na sumalubong sa kanilang bagong taon.
Sa kaniyang Facebook, ay nagbigay pugay naman si EDSA Czar Bong Nebrija sa pagkasawi ni Lim.
Agad din namang nagpaabot ng pakikiramay ang Malacanang.
“The Palace expresses its deep condolences to the family, loved ones and colleagues of Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Danilo Lim who died before 8AM this morning at the age of 65,” pahayag ni Presidential Spokesperson Harry Roque.
Nagpaabot din ng pakikiramay si Defense Secretary Delfin Lorenzana sa naulilang pamilya ni Lim.
Ayon kay Lorenzana, nawalan ang bansa ng isang lider na pinahahalagahan ang serbisyo sa publiko.
Kinilala rin ni Lorenzana ang suporta ni Lim sa Inter-Agency emergency response operations.
“With the passing of General Lim, the country lost an esteemed leader, who valued public service above all else. His vision, which he carried through from his beginnings as a young officer in the Armed Forces of the Philippines to his later years as a civilian public servant, was to uphold good governance and lead by example,” ayon kay Lorenzana.