MMDA traffic enforcer na nanggitgit at nangharang ng isang motorista, sinibak

MMDA traffic enforcer na nanggitgit at nangharang ng isang motorista, sinibak

SINIBAK na sa tungkulin ang isang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) traffic enforcer na nakunan ng video na nanggitgit at nangharang ng isang motorista sa kalsada.

Viral ang isang video nitong Sabado kung saan nakunan ang isang MMDA traffic enforcer sakay ng pick up na nakipag-gitgitan sa isang motorista sa kalsada.

Habang nakikipag-gitgitan, sinabihan pa ng enforcer ang motorista na ayusin ang pagmamaneho nito.

Nang makababa sa kaniyang sasakyan, nakipagtalo siya sa motorista tungkol sa pagsingit nito.

Nitong Lunes, sinibak na sa tungkulin ang nasabing traffic enforcer.

Batay sa isang memorandum na pirmado ni MMDA acting Chairman Atty. Romando Artes, nakasaad na terminated na ang kawani sa serbisyo, isang job order, bilang traffic enforcer sa ilalim ng Traffic Discipline Office.

Ipina-surrender din ang kaniyang ID at Mission Order kay MMDA TDO director for enforcement Atty. Victor Nuñez.

Binalaan naman ni Artes ang mga tauhan ng MMDA, partikular na ang mga traffic enforcer na hindi magdadalawang-isip ang ahensiya na sibakin sa puwesto ang sinumang mahuhuli na mang-aabuso ng kapangyarihan.

Samantala, hinakayat naman ang publiko na i-report ang mga abusadong kawani sa pamamagitan ng social media platforms ng ahensiya at MMDA Hotline 136 para mabigyan ng kaukulang aksiyon ang kanilang reklamo.

Maaaring ipadala ang mga reklamo sa pamamagitan ng social media accounts ng MMDA sa Facebook, Instagram at Twitter.

Sa pagpapadala ng reklamo, kinakailangan ang mga detalye tulad ng pangalan ng empleyado, petsa/oras ng insidente, lugar kung saan naganap ang katiwalian at pang-aabuso.

Mas makatutulong din ayon sa MMDA kung may kalakip na video o larawan.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter