Pag-apela ng traffic violation, puwede na online –MMDA

Pag-apela ng traffic violation, puwede na online –MMDA

AMINADO ang drayber na si Eric na ilang beses na siyang nahuli ng MMDA enforcer.

At may mga pagkakataon na nais niyang iapela ang kaniyang traffic violation sa ahensya.

Pero hassle at abala lamang daw ang pagpunta sa tanggapan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).

Kaya mas pipiliin niya lamang na magtrabaho kaysa sa masayang ang buong araw niya sa pagcontest.

“Hassle po sir syempre naghahanap-buhay ka araw-araw mas gustuhin kong pumasok kaysa magprotesta. Sayang ‘yung isang araw kung pupunta pa ako roon. Sayang sa oras, sayang sa araw at ‘yung gastos,” ayon kay Eric Sanpele, isang motorista.

Magiging madali na kasi ang pag-apela o pag-contest ng mga motorista sa kanilang traffic violation matapos ilunsad ang ahensiya ang kanilang online filing platform.

“Ito poy option, for physical filing po ay tuloy-tuloy pa ‘yan. Pero para po natin maiwasan ‘yung pagbyahe, magbabalik tayo pag hindi kumpleto ‘yung requirement. Doon sa mga may access for online service, ito poy napakaganda,” pahayag ni Engr. Carlo Dimayuga.

Para sa online filing, tumungo sa website ng MMDA o i-scan ang QR Code para ma-download ang google form na gagamitin sa pag-apela.

Punan ang form at i-upload ang kinakailangang detalye at dokumento tulad ng Unified Ordinance Violation Receipt, driver’s license, at Official Receipt/Certificate of Registration (OR/CR) ng iyong sasakyan.

Maaaring isumite ang iyong reklamo mula 8 am – 5 pm, Lunes hanggang Biyernes.

Sa loob ng 3 araw, kokontakin ka ng MMDA-Traffic Adjudication Division para sa pre-processing ng paghahain ng iyong reklamo.

“Sana talaga tangkilikin at ma-appreciate ng ating mga motorista kasi ginawa namin ito for their own convenience. Just imagine mag-aayos kayo, bibihis pupunta dito, magpa-park o magko-commute kayo. Pagdating dito minsan hindi nyo dala ‘yung mga requirement na mga dokumentong kailangan sa pag-file ng traffic adjudication protest doon palang maiirita na kayo, maha-high blood na kayo. Babalik ulit kayo kasi hahanapin niyo ang ibang dokumento. So with this project male-lessen natin ‘yung stress ng ating motorista,” pahayag ni Atty. Victor Nuñez – Director for Traffic Enforcement.

Paglilinaw naman ng MMDA na limitado lamang ang online filing sa physical traffics apprehension.

Hindi kasali sa online filing ang NCAP violators matapos inilabas ng Korte Suprema ang temporary restraining order.

Dagdag pa ng MMDA, face-to-face pa rin ang pagharap sa hearing.

Inaasahan naman ng MMDA ang pagdagsa ng mga apela online kaya magdaragdag sila ng mga hearing officer upang mapabilis ang proseso.

 

Follow SMNI News on Twitter