MOA para sa itatayong mega vaccination site sa Nayong Pilipino, isinasapinal na

MOA para sa itatayong mega vaccination site sa Nayong Pilipino, isinasapinal na

ISINASAPINAL na ang Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng pamahalaan at ng proponent ng mega-vaccination site na itatayo sa Nayong Pilipino sa Parañaque City.

Konting technical edits na lang at maipalalabas at malalagdaan na sa lalong madaling panahon ang MOA para sa bubuuhing mega vaccination site sa Nayong Pilipino.

Sa pahayag ni Cabinet Secretary Karlo Nograles, sinabi nito na nasuri na ng Department of Tourism (DOT), Department of Health ang naturang MOA.

Kasalukuyang na lamang itong nire-review ng government corporate counsel.

“That MOA is forthcoming, just a few minor technical edits being done. It’s already been vetted by the Department of Tourism, it’s been vetted by the Department of Health, it’s now going through our Government Corporate Counsel. Just a few minor edits and it will be signed very, very soon,” pahayag ni Nograles.

Saad ni Nograles ,ang lalagda dito ay ang DOH bilang representante ng gobyerno at kinatawan ng International Container Terminal Services Inc. (ICTSI) Foundation, ang magtatayo ng naturang pasilidad ng libre.

Handa naman ani ni Health Secretary Francisco Duque III ang DOH na pirmahan ito.

 “I am one of the primary signatories there, inaayos (na) lang. Ang latest sa akin is ang sa GOCC kinukuhanan lang ng legal clearance para maging maayos. But we are ready to sign the memorandum of agreement to convert the Nayong Pilipino site into a major, huge, vaccination site,” ani Duque.

Inirekomenda ng pamahalaan na itayo sa bakanteng bahagi ng Nayong Pilipino ang iminungkahing 8-10 hectare na mega-vaccination facility ng ports at gaming tycoon na si Enrique Razon Jr.

Aabot naman sa 12,000 indibidwal kada araw ang maaaring mabakunahan kung matatapos na ang konstruksyon, isang malaking tulong para sa vaccination efforts ng pamahalaan para maabot ang herd immunity.

Ngunit tinutulan ito ng board ng Nayong Pilipino Foundation dahil anila masasakrapisyo ang 500 puno para sa naturang proyekto.

Kamaikalan lang ay nagbitiw sa pwesto si NPF Executive Director Lucille Karen Malilong-Isberto dahil sa hindi pagkakasundo kay Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat patungkol dito.

Paglilinaw ni Nograles walang mga puno at wildlife na maaapektuhan sa konstruksyon ng temporary mega-vaccination site.

Una na ring sinabi ng DOT na walang katotohanan na may mga punong mapuputol sa naturang lugar.

Ipinunto rin ng kagawaran na ang didisensyo sa site ay ang environmental planner at Architect Jun Palafox.

Ayon din kay Presidential Spokesperson Harry Roque, kahit pa may board ang NPF nasa ilalim pa rin ito ng opisina ng presidente bilang government-owned and controlled corporation.

 “Sang-ayon po sa ating Saligang Batas at sa ating administrative code, lahat po ng GOCC ay under pa rin sa office ng Presidente. Hindi po ibig sabihin na palibhasa may board sila ay hindi nila pupuwedeng ipatupad ang mga polisiya ng gobyerno,” ani Roque.

Dagdag ni Roque ang pagpapagawa ng vaccination site sa Nayong Pilipino ay isang paggamit ng police power dahil kinakailangang itaguyod ang kalusugan ng mamamayang Pilipino sa gitna ng pandemya at kailangang sumunod dito ang NPF.

(BASAHIN: Paggamit sa tourists sites bilang COVID-19 facilities, suportado ng DOT)

SMNI NEWS