Modernong operations center, ipinagmalaki ng Bureau of Customs

Modernong operations center, ipinagmalaki ng Bureau of Customs

IPINASILIP ng Bureau of Customs (BOC) ang kanilang operations center kung saan nakikita ang lahat ng operasyon sa Port of Manila.

Isa ang BOC sa mga ahensiya na pinatutukan ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte laban sa korupsiyon.

At sa pag-alis niya sa pwesto, may iniwan siyang legasiya sa Aduana.

Sa eksklusibong pagtutok ng SMNI News, pinasilip ni outgoing Customs Chief Rey Leonardo Guerrero ang kanilang modernong Customs Operations Center.

Gamit ang high definition CCTV cameras, dito namomonitor ‘in real time’ ang pagpasok ng mga kargamento sa Manila International Container Port at Port of Manila.

Ayon kay Guerrero, kinopya niya ang konsepto ng Davao Central 911 at AFP Operations Center sa itinayo nilang BOC Operations Center.

“Dito pinagsama-sama namin ‘yung capabilities noong risk management system, intelligence system, enforcement system, vessel tracking system at saka ‘yung mga data base namin, revenue collection ‘yung sa dashboard,”  pahayag ni  Guerrero.

Lahat ng operasyon ng kanilang enforcement group, naka-body camera din.

Nade-detect din nila kung may singit bang iligal na droga ang kargamento.

Lahat ng lumalabas sa camera, nakikita sa operations center pati ang resulta ng kanilang X-ray imaging.

Bantay sarado ito 24/7 ng intelligence at enforcement officers.

“Plus meron tayong camera, long range camera dito sa Port of Manila na pi-pwede nating makita yung mga vessel sa labas. May vessel tracking din tayo rito makikita natin kung ano yung mga barko na nasa palibot natin dito sa Pilipinas,” ayon kay Guerrero.

At pag-nakumpleto na ang integration process, mamomonitor na sa control center ang lahat ng aktibidad sa Customs district at sub-ports sa buong bansa.

Ang mga ito ay bahagi ng Customs Modernization Program na pinasimulan ng Duterte administration.

Samantala, sinagot naman ni Guerrero ang pagkakadawit niya sa listahan ng mga umano’y sangkot sa agricultural smuggling.

Lalo na’t itinanggi ng National Intelligence Coordinating Agency, Armed Forces of the Philippines, Philippine National Police at National Bureau of Investigation na sa kanila galing ang intel report.

“Regular ang coordination at saka liasing namin ang mga pag-uugnay namin sa mga intelligence agencies. In fact sa Bureau of Customs may naka-embed dito na AFP Intelligence assets, may naka-embed dito na Coast Guard Intelligence assets mga operatives. May NBI na naka-embed dito sa organisasyon namin na siyang tumutulong at nag-iimbestiga sa lahat ng kaso ng korupsiyon. Merong naka-embed dito na PACC sa amin sa Bureau of Customs. Sa ugnayang iyon, makikita mo na kami ay todo bantay hindi lang sa korupsiyon kundi sa lahat ng illegal activities dito sa Bureau of Customs. At sa aming ugnayan, makikita mo na wala namang lumalabas talaga na even sa kanila na mga report na merong mga allegedly na involve especially high ranking Bureau of Customs officials,” ayon kay Guerrero.

Hindi naman inaalis ni Guerrero ang posibilidad na binabalikan siya ng mga naapakan niya sa Customs.

Lalo na’t kwestyunable ang timing ng issue at patapos na sila sa kanilang serbisyo.

Handa naman daw si Guerrero na sumalang sa mas malalim na imbestigasyon oras na ipatawag sa Senado.

“Even sabi ko yung most advanced technologically sophisticated countries may problema ng smuggling. United States, hindi nila tinatanggi may smuggling sila. Nagi-smuggle nga ng cocaïne sa border nila eh. Singapore napakahigpit, police state may smuggling pa rin sila. Lalo pa kaya ang Pilipinas na ang coastline natin umaabot tayo sa 36,000 sq kilometers. Napakahirap bantayan ng ating coastline ng ating borders,” ayon kay Guerrero.

Naunang sinabi ni Senator Imee Marcos na nais niyang magkaroon ng malalimang imbestigasyon sa isyu ng agricultural smuggling.

“Ako naman eh handang lumisan dito sa posisyon ko. Wala akong personal attachment dito sa posisyon kong ito,” ani Guerrero.

Follow SMNI News on Twitter