NAPATUNAYANG guilty sa dalawang paglabag ang babaeng vlogger na si ‘Yanna Motovlog‘ ayon sa Land Transportation Office (LTO).
Partikular na guilty si Yanna sa reckless driving at pagmamaneho ng motorsiklo na walang side mirrors.
Tanging naabsuwelto lang siya sa paggamit ng motorsiklo na walang nakakabit na plaka dahil hindi siya ang rehistradong may-ari nito.
Pinagmulta na ang vlogger ng P5K para sa paggamit ng motorskilong walang side mirrors at P2K para sa reckless driving.
Sinuspinde na rin ang kaniyang driver’s license hanggang sya ay makasunod sa utos ng LTO na isuko ang motorsiklong kaniyang ginamit sa viral na road rage incident.
Matatandaan na noong Abril ngayong taon, viral sa social media ang pagkakasangkot ni Yanna motovlog sa isang mainit na insidente ng road rage sa Zambales.
Sa nasabing video, makikita ang motovlogger habang kinukuwestiyon ang drayber ng isang Nissan Navarra pickup na umano’y muntik nang makasagi sa kanya habang tinatahak ang lubak-lubak na kalsada.
Makikita ang paghinto ng pickup at kalmadong kinausap ng drayber at nagpaliwanag na umiwas lamang siya sa mga lubak-lubak na kalsada.
Paglilinaw ng pickup driver, wala itong intensiyon na ipahamak ang rider.
Iyon nga lang, biglang nag-middle finger ang motovlogger.
Bukod sa pinuna ng mga nakapanood ng video ang asal ng motovlogger, napansin din ng mga netizen na wala itong side mirror sa kaniyang motorsiklo at malinaw itong paglabag sa batas-trapiko.