MR para sa DQ case vs ACT-CIS Party-list nominee Erwin Tulfo, ibinasura

MR para sa DQ case vs ACT-CIS Party-list nominee Erwin Tulfo, ibinasura

IBINASURA ng Commission on Elections En Banc ang inihaing motion for reconsideration (MR) para sa diskwalipikasyon ni Erwin Tulfo bilang nominee ng Anti-Crime and Terrorism Community Involvement and Support (ACT-CIS) Party-list.

Sa inilabas na desisyon ng COMELEC En Banc, pinagtibay nito ang naunang desisyon ng COMELEC 2nd Division kung saan sinabing walang nakikitang dahilan para baligtarin ang naunang resolusyon ng komisyon.

Matatandaan na sa naunang ruling ng COMELEC, ipinaliwanag nito na inihain ang petition for disqualification noong Marso 1, 2023 lamang, siyam na buwan ang lumipas matapos iproklama ang ACT-CIS.

Pero sa ilalim ng Section 4-B, Rule 5 ng COMELEC Resolution No. 9366, kailangang maihain ang disqualification ng mga party-list nominee bago o sa mismong araw ng proklamasyon.

Samantala, nang ihain naman ang motion for reconsideration sa naturang desisyon ay lumampas din ito ng isang araw.

Nakasaad sa Section 2 Rule 2 ng COMELEC Resolution No. 9366 na kailangang ihain ang MR sa loob ng tatlong araw mula nang matanggap ang desisyon.

Natanggap ng petitioner ang desisyon ng COMELEC noong Mayo 25, 2023 pero naihain ang MR ng Mayo 30, lampas na ng isang araw.

Si Erwin Tulfo ay kasalukuyang nakaupo bilang third nominee ng ACT-CIS Party-list sa Kamara.

Follow SMNI NEWS on Twitter