IPINABABA pa ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) sa National Water Resources Board (NWRB) ang alokasyon ng tubig mula Angat Dam.
Unti-unti nang tumataas ang lebel ng tubig sa Angat Dam, dahil ito sa mga nakalipas na pag-ulang dulot ng Bagyong Dodong at habagat.
6:00 umaga nang Huwebes, Hulyo 20, nadagdagan pa ng dalawang metro ang lebel ng tubig sa Angat Dam.
Mula sa 180.94 meters kahapon ng Miyerkules ay nasa 180.96 meters na ito.
Positibo ang MWSS na magtutuluy-tuloy pa ang pagtaas ng lebel ng tubig sa Angat Dam.
Kasunod na rin ito sa binabantayang low pressure area (LPA) na posibleng maging ganap na bagyo ngayong linggo.
Dahil dito, ipinababa muna ng MWSS sa NWRB sa 38 cubic meters per second ang alokasyon ng tubig, mula sa 48cms na inaprubahan kamakailan.
Paliwanag ni MWSS Division Manager Engr. Patrick Dizon, umabot na sa above the normal ang operating level sa Ipo at Lamesa Dam.
Wala namang naging epekto sa mga konsyumer sa National Capital Region (NCR) ang pagbaba pa ng alokasyon ng tubig.
Naniniwala ang MWSS na mananatiling suspendido ang water interruption na ipinatutupad ng Maynilad Water Services Inc.
Gayunpaman, hinihikayat ng MWSS ang publiko na maging masinop pa rin sa paggamit ng tubig ngayong umiiral na ang El Niño sa bansa.
At inaasahang mararanasan ang matinding El Niño na tatama simula Oktubre.