Nag-uumapaw na relief items, handog ni Pastor Apollo C. Quiboloy sa mga biktima ng Bagyong Karding

Nag-uumapaw na relief items, handog ni Pastor Apollo C. Quiboloy sa mga biktima ng Bagyong Karding

NAGING masalimuot at mapait ang karanasan ng mga taga San Miguel, Bulacan kasunod ng pananalasa ng Bagyong Karding.

Hindi nila inaasahan na sa ikalawang pagkakataon muli nilang mararanasan ang kapait-pait na pangyayari nang manalasa ang Bagyong Santi noong 2013.

Isa sa mga apektadong barangay ang San Jose na umabot sa sobrang 10 talampakan ang lalim ng baha.

Isa sa mga nakausap ng SMNI Relief Operation Team ay si Aling Myra Zeta na may may isang anak at tatlong apo.

Pilit na kinikimkim ni Aling Myra ang emosyon habang ikinikwento sa ang kanilang katakot-takot na karanasan habang binabayo ni Karding ang kanilang tirahan.

“Sabi ng anak ko, ka’ko ‘umuwi ka, may bagyo’ edi umuwi nga siya. Para daw siyang tinutulak sabi ng anak ko. Iyon pala ganyan ang mangyayari. Alam niyo po napakalakas talaga, takot na takot kaming mag-iina diyan sa bahay namin. Humingi na po kami (ng tulong) sa kapitbahay. Tumawag po ‘yung anak ko dito, hindi rin kami ma-rescue, sobrang lalim na po niya. Iyong kapitbahay namin tinakbo namin. Sabi ng mga apo ko, ‘ninong, tulungan niyo kami.’ …nandiyan lang po ang bubong namin dito para makadaan kami. Alam niyo po, hinila niya po ‘yung mga anak ko, mga apo ko dito. Iyong mga apo ko po, iyakan nang iyakan. Hindi po ako umiiyak nu’n kasi ayoko pong makita ng mga anak kong umiiyak ako, ng mga apo kong umiiyak ako, edi lalong iiyak,” ayon kay Aling Myra, biktima ng Bagyong Karding.

Habang si Aling Mary Jane Mendez, hindi maalis sa isip na iyon na ang katapusan ng kaniyang buhay at ng kaniyang pamilya.

Nangangamba para sa kaligtasan ng mga kasama niyang bata.

Sa sobrang lakas aniya ng bagyo ay lagpas na sa ikalawang palapag ng kanilang tirahan ang baha.

“Akala namin mamamatay na kaming lahat eh kasi napakalalim po talaga ng baha. Inaano lang po namin ‘yung mga bata kaya naisip namin na lumipat na lang dito sa kabila. Gumawa na lang po sila ng paraan para makatawid sa taas,” ayon kay Aling Mary Jane, isa pang biktima ng bagyo.

Sinubukan nilang humingi ng tulong mula sa rescuers, ngunit sa kasamaang palad ay hindi sila mare-rescue dahil sa sobrang lakas ng agos ng tubig.

“Nakakaphobia na po eh kasi baka maulit na naman. Nakakapagod na nakakatakot sa pag-iisip sa mga bata tapos nu’ng time po na walang ilaw. Wala po kaming makita halos lahat, nag-iiyakan na nga po ang mga bata, gusto nang magsialis,” ayon pa ni Aling Mary Jane.

Si Aling Merlina Maglaque, nanghihinayang matapos winasak ng nagraragasang baha ang isang bahagi ng bagong pundar nila na bahay.

Kakapaayos pa lamang nila sa kanilang tirahan mula nang manalasa si Bagyong Ulysses.

“Umuuga po bahay namin ‘pagka ‘yung bumabayong ganyan ‘yung hangin. Umaano siya, umuuga. Lalo na nu’ng natanggal ‘yung likod na pader. …umuuga. Pero ngayon, pagka po siguro mapapagawa na rin namin iyan ‘pag may awa ang (Diyos). Sobrang ano po… kaba. Nerbyos, ganu’n po. Sobrang ano po namin dito nu’ng kami’y nagsisipag ano…dasal-dasal lang po,” ayon kay Aling Merlina.

Matagal nang binabaha ang bayan ng San Miguel pero ayon sa lokal na pamahalaan, ito ang kauna-unahang pagkakataon na kanilang naranasan ang lagpas tao na baha.

“First time sa kasaysayan, ito ‘yung pinakamalaki na talagang buti na nga lang, ang bagyong Karding ay bumasag sa tinatawag na Sierra Madre, na ito ang nagpahina. Pero kung ito’y tumama nang buong-buo, alam naman natin, makikita natin sa disaster natin. Makikita natin ‘yung mata ng bagyo ay nandito sa bayan ng San Miguel kaya buti na lang bumasag siya at humina. Kung hindi ito bumasag ay mas sobra pa, higit pa rito,” pahayag ni San Miguel Mayor Roderick Tiongson.

Ang bayan ng San Miguel ang itinuturing na isa sa pinakamatinding sinalanta ng bagyo.

Batay sa datos ng lokal na pamahalaan, nasa higit 52,000 na pamilya ang apektado ng bagyo o katumbas ng higit 189,000 na indibidwal.

Ilan lamang si Aling Myra, Aling Mary Jane at Aling Merlina sa libu-libong residente na ilang beses nang linubog at sinira ng kalamidad ang kanilang tirahan.

Masakit ngunit haharapin anila ang bukas na muling maitayo hindi lamang kanilang tahanan kundi maging ang kanilang sarili para sa mga darating pa na hamon sa kani-kanilang mga buhay.

“Hindi po ako nagpahalata talaga na nahinaan ako ng loob sa mga apo ko dahil mga bata pa po eh. Ayan oh, nakahiga,” dagdag ni Aling Myra.

“Kasi naano na po itong bahay sa amin eh. Kasi bahay pa po ito nu’ng nanay ng mister ko. Kasi dito ko na po pinalaki ‘yung mga anak ko mula po sa panganay hanggang sa bunso po. Dito na talaga kai. Ihaahon na lang po namin… para makabawi ulit,” dagdag naman ni Aling Mary Jane.

Nag-uumapaw na relief items, handog ni Pastor Apollo C.  Quiboloy

Pero sa gitna ng masalimuot at madilim na karanasan ng ating mga kababayan, tiyak na muling liliwanag ang ilaw ng pag-asa.

At sa panahon ng pangangailangan, hindi makakaila na nangunguna si Pastor Apollo C. Quiboloy sa paghahatid ng pag-asa upang muling makabangon ang ating mga kababayan mula sa matinding dagok na naiwan ng Bagyong Karding.

Nang malaman ni Pastor Apollo ang sitwasyon sa San Miguel, Bulacan, agad na pinakilos ng butihing Pastor ang kaniyang relief operations team katuwang ang humanitarian organizations na kaniyang pinangungunahan.

Kabilang na rito ang SMNI Foundation, Sonshine Philippines Movement at Children’s Joy Foundation Inc.

Tulad ng nag-uumapaw na pagmamahal ng butihing Pastor sa kaniyang kapwa ay nag-uumapaw rin ang ipamimigay nito sa mga nangangailangan.

Mula sa ready-to-eat na mga pagkain, condiments, inuming tubig hanggang sa hot meals, walang pinalagpas si Pastor Apollo.

Tunay na malawak ang pagmamahal ni Pastor Apollo at walang tinitingnang relihiyon, lahi o estado ng buhay.

At sa mga panahon tulad nito, tiyak na iyong masasandalan ang Poong Maykapal sa mga taong kaniyang ipinadala upang maghatid ng pag-asa tulad na lamang ng butihing Pastor katuwang ang kaniyang relief operations team.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter