Nagbebenta at bumibili ng pekeng resibo, patuloy na tinututukan ng BIR

Nagbebenta at bumibili ng pekeng resibo, patuloy na tinututukan ng BIR

NOON pa man marami nang mga negosyo o establisyimento ang nag-iisyu ng mga pekeng resibo.

Kasabay rito ang matagal na ring pag-o-operate ng mga nag-iimprenta nito.

Hindi naman sana magtatagal ang ilegal na gawaing ito kung hindi sila tinatangkilik ng mga kompanyang nandaraya sa buwis.

Sinabi ni Bureau of Internal Revenue (BIR) Commissioner Romeo Lumagui, Jr. na marami nang naisampang kaso ang ahensiya sa Department of Justice (DOJ) kaugnay ng tax evasion kung saan sangkot dito ang mga malalaking kompanya.

Binigyang-diin ni Lumagui na isa ang isyu ng ghost receipts sa tinututukan ng ahensiya dahil malaki aniya ang nawawalang koleksiyon ng gobyerno dahil dito.

Sa katunayan, nasampahan na aniya ng kaso ang parehong buyers at sellers ng mga naturang pekeng resibo.

Base sa naihain nang kaso ng BIR noong 2024, ani Lumagui, tinatayang aabot sa P1.7B ang tax liabilities na nakasuhan na.

Ang ibang nasampahan ay pending sa DOJ at mayroon na ring nasampahan sa korte lalo na sa isyu ng ghost receipts.

Inaasahan naman ng BIR na sa susunod na mga linggo may lalabas pang mga kaso laban sa mga malalaking kompanya na bumibili ng pekeng resibo.

Nahuli ng BIR ang kalakarang ito simula Disyembre 2022 at agad kinasuhan.

Bukod sa mga gumagawa ng ghost receipts, isa rin sa tinututukan ng BIR ang mga nagbebenta ng ilegal na vape products kung saan naging agresibo ang ahensiya sa pagsasagawa ng raid sa mga warehouse nito.

Tinungo rin ng ahensiya ang mga retailer kung saan nasa halos isang libong establisyemento ang na-inspeksiyon nito noong ikalawang bahagi ng 2024.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble