Nagsusulong ng umano’y impeachment vs. VP Sara, pinuna ni Sen. Imee

Nagsusulong ng umano’y impeachment vs. VP Sara, pinuna ni Sen. Imee

SA isang ambush interview sa Navotas City nitong Miyerkules ng umaga, sinagot ni Sen. Imee Marcos ang ilang isyu patungkol sa politika.

Tinanong si Sen. Marcos tungkol sa naging pahayag ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte na mapipilitan siyang bumalik sa politika kapag na-impeach ang kaniyang anak na si Vice President Sara Duterte.

Pinuna ng senador ang nagpakana ng umano’y pagpapatalsik sa pangalawang pangulo.

‘Yung mga nagpapakana nito na halos kada linggo may pasabog nitong tatlo, apat na linggong nakaraan, eh sana maawa naman sila sa Pilipinas. Ang dami-dami na nating problema. Maawa naman kayo sa administrasyon. Maawa kayo sa Pilipino naghihikahos,” saad ni Sen. Imee Marcos.

Nagpasa ng resolusyong payagang mag-imbestiga ang ICC sa bansa, dapat mahiya—Sen. Imee

Dapat ding mahiya ani Sen. Marcos ang mga naghain ng resolusyong payagang mag-imbestiga ang International Criminal Court (ICC) sa war on drugs ng Duterte administration.

Aniya ipinagtataka niya ang nasabing hakbang.

“Mahiya naman tayo bilang Pilipino. Ipapasa pa daw yung ICC resolution na pakialaman tayo ng dayuhan samantalang mga korte natin napapatunayan naman na umaandar, malaya, at matibay. Bakit pa papasukin pa ‘yung iba? Diyan ako nagtataka,” dagdag ni Sen. Imee.

Pilipinas, mapapahiya kapag payagang pumasok ang ICC sa bansa

Iginiit ni Sen. Marcos na malaking kahihiyan sa Pilipinas kapag pumasok ang ICC sa bansa.

“Huwag tayong papayag-payag ng ganiyan. Isipin niyo para mong sinurrender ang ating soberanya. Hindi na tayo Republika. Talagang umaasa na lang tayo sa kanila. Ano ba naman eh ‘yung ating mga korte ang tibay tibay. Eh pinalaya nga si Senator De Lima. Di ba katibayan ‘yun na maayos ang korte,” ani senadora.

UniTeam, maayos naman ayon kay Sen. Imee

Sa isyu naman ng umano’y pagkakawatak-watak ng UniTeam, ito ang naging pahayag ng senador.

‘Yung kapatid ko, ako, si Vice President Sara, si PRRD palagay ko hindi naman problematic. ‘Yung iba na nanggugulo diyan. Ewan ko na lang,” ayon pa kay Sen. Imee.

Una nang pinabulaanan ni Vice President Sara ang nasabing isyu.

Pagtitiyak ng pangalawang pangulo na okay sila ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.PBBM, VP Sara dumalo sa araw ng kaarawan ni Sen. Imee Marcos at may tiwala pa rin sa kaniya ang Pangulo.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble