KILALA ang Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal-4 na pinakamatandang orihinal na domestic terminal sa Maynila, na itinatag noong 1948.
Dahil sa kalumaan ng imprastraktura, isasagawa ang pag-upgrade at modernisasyon sa mga pasilidad ng terminal.
Inanunsiyo ng NNIC na magsisimula ang pagkukumpuni sa terminal sa Nobyembre 6, 2024. Matapos ang pagsasaayos, muling bubuksan ang Terminal-4 sa susunod na taon ng Pebrero.
Ayon kay Atty. Chris Bendijo, tagapagsalita ng Manila International Airport Authority (MIAA), kasama sa gagawing pagsasaayos ang pagpapalawak ng paliparan at pagtaas ng kapasidad ng bilang ng mga pasahero.
“To increase their terminal capacity, presently though 40 million dapat close to 60M passenger per year so I think being a small terminal kasama din ang pag-i-increase ng passenger terminal capacity sa kanilang gagawin,” wika ni Atty. Chris Bendijo – Spokesperson, MIAA.
Isa sa mga problema ng NAIA Terminal-4 ay ang pagkakaroon ng baha sa ilang bahagi ng lugar sa panahon ng malakas na ulan.
“Dalawang bagay ang aspeto ng commitment ng NNIC diyan. Una, ang patungkol sa pag-de-dredge ng mga ilog sa Parañaque ay kanilang gagampanan. Pangalawa, ang ating drainage system sa Terminal-4 ay kasama rin sa kanilang enhancement at renovation na gagawin,” ani Bendijo.
Sa ngayon, ang AirSwift, Sunlight Air, at CebGo ang nag-o-operate sa NAIA Terminal-4.
Pansamantalang ililipat ang kanilang mga operasyon sa NAIA Terminal-2 habang isinasagawa ang rehabilitasyon.
Una nang nag-anunsyio ang Cebu Pacific sa Nobyembre 7 ang paglilipat ng CebGo sa NAIA Terminal-2 mula Terminal-4, na may mga biyahe mula Maynila patungong Busuanga, Caticlan, Cebu, Legaspi, Masbate, Naga, San Jose, Siargao, at Surigao.
Pinapayuhan ang mga pasahero na makipag-ugnayan sa kanilang airlines bago ang kanilang skedyul ng paglipad.
“Makaasa po kayo bago pa man ang implementation ng assignment o closure, makaasa po kayo na mayroong tayong supisyenteng information dissemination na nagmumula sa MIAA, at least days or weeks before ng implementation at mailalarawan na po natin kung anong gagawin na extend ng renovation,” ayon pa kay Bendijo.