Napatay na consultant ng NDF, lider din ng kalaban ng estado sa Negros Island –AFP

Napatay na consultant ng NDF, lider din ng kalaban ng estado sa Negros Island –AFP

HINDI lamang consultant ng National Democratic Front (NDF) si Ericson Acosta na nasawi sa engkwentro sa Negros Occidental noong nakaraang linggo.

Ayon kay AFP spokesperson Colonel Medel Aguilar, si Acosta ay isang mataas na lider ng Communist Party of the Philippines (CPP) na may kontrol sa New People’s Army (NPA) sa Negros Island.

May pananagutan aniya si Acosta sa mga pagpatay at iba pang krimen na ginawa ng NPA sa lugar.

Itinanggi rin ng militar ang akusasyon ng makakaliwang grupo na hinuli si Acosta at sinadyang pinatay sa tinawag nilang “fake encounter”.

Una nang iginiit ni Aguilar na bahagi lamang ito ng propaganda ng mga kalaban upang pagtakpan ang kanilang pagkatalo at upang siraan ang militar.

Follow SMNI NEWS in Twitter