ISANG pagkilala sa iba’t ibang negosyo at grupo ng ating mga kababayan sa Amerika ang ginanap sa Washington DC, sa 2022 Heritage People’s Ball bilang pagdiriwang ng ika-76 na anibersaryo ng diplomatikong relasyon ng Pilipinas at bansang Amerika.
Mga negosyante, abogado, musikero, mga boluntaryo at iba’t ibang organisasyon ang nagdiwang sa Washington DC para sa Heritage People’s Ball para sa mga kababayang Pinoy bilang pagdiriwang sa ika-76 na taon na anibersaryo ng diplomatikong relasyon ng Pilipinas at Amerika.
Ito ay inorganisa ng Global Migrant Heritage Commission Incorporated.
Ang kaganapan ay naglalayong isulong ang pagkakaisa sa kapayapaan, pagkakawanggawa, pagkakaisa, pananampalataya, at serbisyo sa kapwa Pilipino na naninirahan sa Amerika habang patuloy na binibigyang pugay ang kulturang Pinoy sa iba’t ibang larangan.
Tampok din sa pagtitipon ang iba’t ibang uri ng pagtatanghal na layong isulong ang katangi-tanging kultura at pagkamakabayan ng mga kababayan sa Pilipinas nating mahal.
Suot ang kanilang mga katutubo at tradisyunal na kasuotang Pinoy, ang gabi ay mas pinaningning dahil sa pagkilala sa mga natatanging indibidwal at grupo na nagpakita ng kahusayan sa pagtatatag ng kanilang mga pangalan sa kanilang sariling mga larangan kasabay ng pagtataguyod ng kulturang Pinoy at mga katangi-tanging produktong Pinoy sa buong Amerika.
Isa sa mga nakatanggap ng parangal ay ang Dong’s Special Lumpia na nakabase sa Virginia, at pinarangalan bilang Most Outstanding Migrant Award para sa Community Service in Business.
Pinasinayaan din ang parangal ng isa sa mga matagumpay na negosyanteng Pinoy sa Amerika na si Ms. Rose Aquino-Valeriano – President at Owner ng Mariposa Global Journeys Travel Agency at matalik na kaibigan ni First Lady Liza Araneta-Marcos.
Nagpahayag din ang mga awardees ng kanilang pasasalamat sa mga organizers at nangakong makikiisa sa pag-angat ng Filipino community sa pamamagitan ng kanilang mga talento at negosyo.
Hindi maikakaila ang pagkamakabayan at pagmamahal sa bansa ng mga kababayan Pinoy at tinitiyak nila ang taos-pusong pagtulong sa marami pang kababayan na nais umasenso sa Amerika sa anumang larangan na kanilang tatahakin.