IGINIIT ni Bureau of Corrections (BuCor) Director-General Gregorio Catapang na hindi basta-basta makalalabas ng New Bilibid Prison (NBP) ang mga detainee na ililipat mula sa detention facility ng National Bureau of Investigation (NBI).
83 na mga suspek o akusado sa iba’t ibang criminal cases ang nakatakdang ilipat sa NBP mula sa detention facility ng NBI.
Ito ay para bigyang-daan ang konstruksiyon ng bagong gusali ng NBI sa Ermita, Manila.
Isa kasi sa ide-demolish doon ay ang detention facility.
Lumagda na rin ng kasunduan ang BuCor at ang NBI noong Marso para maging temporary detention facility ang NBP ng mga naaresto ng NBI.
Ang mga detainee ay ilalagay sa NBP Building 14.
Ang pamamahala ng pasilidad at sa mga detainee sa NBP, magiging responsibilidad ng NBI.
Pero nilinaw ni BuCor DG Catapang, na patuloy pa rin silang magmo-monitor sa mga galaw ng mga detainee.
Aniya hindi sila basta-basta makalalabas ng NBP premises hangga’t walang ibinababang abiso mula sa NBI.
Jad Dera, maaring naimpluwensiyahan ang mga imbestigasyon ng NBI—DOJ
Matatandaan na naging malaking issue ang natuklasang paglabas-pasok ng high profile detainee na si Jad Dera sa NBI Detention Facility na walang court order.
Mula NBI ay inilipat na si Dera sa Muntinlupa City Jail gaya ng naging kautusan ng korte.
Ayon sa DOJ, maaring naimpluwensiyahan ni Dera ang ginagawang imbestigayon ng mga taga NBI sa mga suspek na naka-detain doon.
Iniimbestigahan pa ng DOJ kung gaano naimpluwesiyahan ni Dera ang mga NBI probe.
Sa tanong naman kung naimpluwesiyahan ba ni Dera ang mga bumaliktad na akusado sa Degamo Slay case ay ito ang naging sagot ng kalihim.
Jad Dera at 6 na NBI personnel, sasampahan na ng kaso ng DOJ
Samantala, sasampahan na ng kaso ng Department of Justice (DOJ) si Dera at ang anim na NBI security personnel.
Nakitaan ng probable cause o basehan para papanagutin si NBI Security Officer 2 Randy Godoy dahil sa paglabag sa Article 223 ng revised penal code o ang infidelity in the custody or prisoners.
Habang paglabag naman sa Article 156 o paghahatid ng mga detainee sa bilangguan ang isasampa sa mga NBI Job Personnel na sina Arnel Ganzon, Dian Rose Novelozo, Lee Eric Lorte, King Jeroh Martin Pepe Pieddad, Jr. at sa detainee na si Jad Dera.
Matatandaan na noong Hunyo 20 at 21 nang mangyari ang ilegal na paglabas ng mga respondents sa detention facility at pag-aresto sa mga ito ng mga NBI agents.
Lumalabas na nasuhulan ni Dera ang mga NBI security personnel para makalabas ito ng selda, makapag-date at makakain sa labas.
Matapos kasi ang pag-aresto sa mga ito ay nasamsam ng mga awtoridad ang mahigit 100 libong piso kay Dera, 10 libong piso mula kay Godoy, at 11 libong piso naman mula kay Veloso.
Ang mga kaso laban sa mga respondents ay ihahain sa Metropolitan Trial Court ng Maynila.