OPISYAL nang inirekomenda ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Department of Justice (DOJ) ang pagsasampa ng kasong inciting to sedition at grave threat laban kay Vice President Sara Duterte.
Ito ay matapos umanong magbanta si VP Sara sa buhay ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ayon kay Prosecutor General Richard Fadullon, susuriin muna ng DOJ ang ebidensya mula sa NBI bago magpasya kung itutuloy ang preliminary investigation.
“We are checking with our docket if documents have been received pertaining to that case. If it is with the NPS already, it will again be evaluated to determine if the evidence is complete. If it is, then that is the only time it can be referred for preliminary investigation. Pending the results of the evaluation, we cannot say anything more for now, in order not to preempt the results and prejudice the rights of any party,” saad ni Prosecutor General Richard Fadullon.
VP Sara sa NBI recommendation na kasuhan siya ng inciting to sedition, grave threat: “As expected”
Hindi na nagbigay pa ng mahabang pahayag ang bise presidente tungkol sa isyu.
“As expected,” pahayag ni Vice President Sara Duterte.
Ngunit sa isang press conference, itinanggi ni VP Sara ang paratang na siya ay nagbanta sa buhay ni Pangulong Marcos.
“I did not make an assassination threat to the president. Sila lang ang nagsasabi niyan. Sila lang ang nagsasabi na may assassination. Sila ang nagsasabing may assassin, may gunman. I did not say that,” wika ni VP Sara Duterte.
Mga tagasuporta ni VP Sara, umalma sa mga reklamo laban sa kaniya
Para sa ilang mamamayan, hindi dapat impeachment at kasong kriminal ang inuuna ng gobyerno.
Ayon sa kanila, mas matinding problema ang mataas na presyo ng bilihin at korapsyon kaysa sa mga kasong isinampa laban sa bise presidente.
“Yang mga congressman na ’yan, bayaran ’yan. May balita kasi na kapag hindi ka pumirma, hindi ka babayaran ng ilang milyon,” ayon kay Lawrence, isang tutol sa impeachment at kaso laban kay VP Sara Duterte.
“Panahon ng Duterte, ang layo sa panahon ngayon. Mas grabe ang droga,” ani Lawrence.
“Kaya niyang lusutan iyan,” pahayag ni Stella.
“Mas maraming problema ang Pilipinas. So, ayoko,” wika ni Sela Perez.
“Tumataas ang bilihin, ’yun na lang muna ang unahin. Pareho kaming senior,” ani Lorna.
Ayon naman sa iba, mas mabuting ang pamilya Duterte ang mamuno sa bansa.
“Dapat sila ang mamuno sa ating bansa, ang mga Duterte. Hindi na po mababago ’yon,” saad ni Sheila.
“Hindi lang taga-Davao ako, pero napagawa niya ng daan,” ayon naman kay Suzelyn.
Mga senador, walang criminal liability kahit hindi agad aksiyunan ang impeachment complaint vs. VP Sara
Ayon kay retired Supreme Court Associate Justice Adolf Azcuna, hindi garantisadong uusad ang impeachment complaint sa Senado—lalo na kung aabutan ito ng 2025 elections.
Aniya, dapat mismong naghain ng reklamo ang mamuno sa impeachment proceedings, pero may posibilidad na hindi na sila maupo sa bagong Kongreso matapos ang eleksyon.
Dagdag pa niya, sakaling hindi agad umaksyon ang Senado, wala silang criminal liability.
“The Senators cannot be impeached. It’s not a crime on their part. The courts cannot sanction them,” saad ni retired Supreme Court Justice Adolf Azcuna.
Sa ngayon, wala pang hurisdiksiyon ang Senado sa impeachment complaint, dahil hindi pa ito nagko-convene bilang impeachment court.