MAGPAPATUPAD ng isang araw na gun ban ang Philippine National Police (PNP) sa paparating na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.
Ito ang kinumpirma ng tagapagsalita ng PNP na si PCol. Jean Fajardo sa panayam ng media, araw ng Miyerkules Hulyo 12, 2023.
Ayon sa PNP, base lamang ito sa security assessment nila bagaman hindi ipinaliwanag kung gaano kataas ang antas ng banta sa seguridad na kanilang natatanggap isang linggo bago ang mismong araw ng SONA ng Pangulo.
“That is part of the security assessment at risk assessment po ng security forces na sa tingin po nila at least as of this day ay nararapat lamang na magkaroon ng 1 day na suspension ng permit to carry (PTC), but, as we progress kung magkakaroon ng changes sa mga assessment ng mga intelligence reports na nari-receive ng security forces ay maaari magbago ‘yan but as it is today ay ‘yan ang nirekomenda ng security forces na coverage ng suspension ng PTCFOR,” ayon kay PCol. Jean Fajardo, Spokesperson, PNP.
Sa ilalim ng nasabing gun ban, ipatutupad ito sa 12:01 am – 11:59 pm ng Hulyo 24 sa SONA ng Pangulo.
Ayon sa PNP, mahigpit ang kanilang gagawing pagsita sa mga pagdadala ng baril na hindi awtorisado.
Maari ding maharap sa paglabag sa batas kung hindi tatalima sa nasabing gun ban.
Preparasyon sa ikalawang SONA ni PBBM, halos 100%—PNP
Samantala, ilang araw bago ang SONA ni Pangulong Marcos, halos patapos na rin anila ang PNP sa kanilang preparasyon para dito at all systems go na rin ang iba pang security forces na magiging katuwang nila sa pagtitiyak na magiging maayos at walang aberya sa SONA ng Pangulo.
“Almost 100 percent na ‘yung ating preparation. All systems go na tayo, ginagawa na lamang natin ngayon ay nirereview at tsini-check natin ‘yung mga ilan pa pong mga last minute adjustment but on the part of the PNP, ‘yung ating deployed personnel ay nakakasa na ‘yan at i-implement na po,” dagdag ni Fajardo.
Nakatakda ring isagawa ang ilang ocular inspection sa loob at labas ng Batasan Complex kung saan gaganapin ang SONA at inaasahang gagawin ito sa susunod na linggo.
“So, in case na may mga last minute changes, nakahanda ang PNP bagama’t sa ngayon ay wala pa naman tayong namo-monitor na anomang seryosong banta para ma-hamper itong SONA but just the same, ‘yung ating security template ay hindi natin ito pababayaan kaya this week hanggang next week ang inaasahan nga natin,” ani Fajardo.
“Diyan ay mga conduct ng mga communication exercises, simexs, pati na rin ‘yung mga ocular inspection at walk through doon sa mga areas of converge and engagement,” aniya.
Sa huli, oras na ipatupad ang gun ban, patuloy ang pakiusap ng PNP sa publiko lalo na sa mga magmumula sa Central Luzon at CALABARZON area papasok ng Metro Manila na makipagtulungan sa mga polisiyang ilalatag ng PNP para maiwasan ang anumang komosyon at mairaos ng maayos ang SONA ng Pangulo ng bansa.