SINAMPAHAN na ng kaso ang 5 Chinese national na sangkot sa Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) raid sa Las Piñas.
Sinampahan na ng kaukulang kaso ng Philippine National Police (PNP) ang limang Chinese national na nahuli sa isinagawang raid sa isang POGO company sa Las Piñas City noong Hunyo 27, 2023.
Sa pahayag ni PNP Chief Information Officer Brig. Gen. Redrico Maranan, kasong paglabag sa Cybercrime Prevention Act of 2012 at Human Trafficking ang isinampa sa mga dayuhang suspek na kinilalang sina Li Jiacheng, Xiao Liu, Yan Jiayong, Duan Haozhuan, at Lp Hongkun.
Matatandaan na umabot sa mahigit 2,700 na umano’y POGO workers kung saan nasa 1,500 lang ay mga Pilipino ang nailigtas nang salakayin ng mga awtoridad ang kompanyang Xinchuang Network Technologies.
Una nang sinabi ni Anti-Cybercrime Group (ACG) spokesperson Capt. Michelle Sabino na inamin ng mga biktima na empleyado sila ng isang online casino at na-recruit sa pamamagitan ng job postings sa social media.