HALOS maabot na ng National Capital Region (NCR) ang target na 50% sa general population na mabakunahan ng booster shot laban sa COVID-19.
Nasa 49.36% na ang naabot ng Department of Health (DOH) sa PinasLakas campaign ng pamahalaan kung saan target ng kagawaran na mabakunahan ng first booster ang 50% sa general population.
Paliwanag ni Dr. Aleli Annie Grace Sudiacal, DOH-NCR Assistant Regional Director, mabilis nilang nakuha ang target dahil may madaling access ang publiko sa bakuna.
Bukod dito, mabilis din nila nakuha ang kanilang target ani Sudiacal dahil sa mga magagaling na healthcare worker at sapat na suplay ng bakuna.
Pero ayon kay Sudiacal na hindi hihinto ang kagawaran sa pagbabakuna at lalagpasan pa nila ang target na 50%.
Target ng DOH aniya na maging endemic ang COVID-19.
Batay sa datos ng DOH-NCR, nasa higit 4.98 milyon na ang nakatanggap ng unang booster shot.
Pero nasa higit 802,000 pa lang nababakunahan ng pangalawang booster.
Patuloy ang paglulunsad ng DOH-NCR ng kanilang PinasLakas campaign sa iba’t ibang lugar.
Ngayong araw ay binuksan na ang pagbabakuna sa Rockwell Business Center Sheridan sa Mandaluyong City.
Target ng pagbabakuna ang mga nagtatrabaho sa Business Processing Outsource (BPO) industry kung saan nasa isang libo ang target na mabakunahan sa loob ng dalawang araw.