SUPORTADO ng National Economic and Development Authority (NEDA) ang permanenteng pagbabawal sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) sa bansa.
Sa press briefing sa Malacañang nitong Huwebes, sinabi ni NEDA Secretary Arsenio Balisacan na mataas ang social cost ng mga negosyong ito.
Saad pa ng kalihim, ang halaga ng mga POGO sa lipunan, kabilang ang mga sinasabing krimen, at mga isyu na nauugnay sa mga ito, mas malaki kaysa sa mga benepisyong dulot ng mga ito sa aspeto ng kita at epekto sa ekonomiya.
‘‘The cost especially social costs are quite high, and we don’t think that the benefits in terms of the revenues generated and the additional … and the impact on the economy are worth the cost ‘no,’’ ayon kay NEDA Secretary Arsenio Balisacan.
Idinagdag ni Balisacan na mas hinihikayat ng NEDA ang aniya’y “very legitimate investments, good investments, quality investments” at mga pamumuhunan na magbubunga ng mga kalakal at serbisyo at hindi ang mga nagsusulong ng mga negatibong ‘externalities’ sa lipunan.
Sinabi rin ni Balisacan na hindi ibinebenta ng NEDA ang Pilipinas bilang destinasyon ng mga negosyo ng POGO.
Tiwala naman ang NEDA chief na mapapalitan ng mga bagong pamumuhunan ang nawala na kita mula sa pagsasara ng mga POGO.
‘‘We have been moving around in many countries, cities, attracting an investment to the country; marketing our country as a good place to do business. We are not going around to attract business of this kind ‘no. We want investment inflows that will promote not only the economic but also the social aspects of our development,’’ dagdag pa ni Balisacan.
Samantala, nilinaw ni Balisacan na ang kaniyang posisyon sa isyu sa POGO ay hindi nangangahulugang ito rin ang posisyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.
Gayunpaman, sambit ng NEDA chief, personal niyang irerekomenda sa Pangulo na ipagbawal ang POGO sa susunod nilang NEDA Board meeting.
Una nang inirekomenda ng komite sa Senado ang pagpapaalis ng lahat ng POGO sa Pilipinas.
Nakakuha ng sapat na suporta mula sa mga miyembro ng Senate Committee on Ways and Means ang committee report na naghihikayat sa gobyerno na tanggalin na ang mga POGO.
Ayon sa Senate panel, halos triple ang idinami ng mga krimeng may kinalaman sa POGO ngayong taon, kumpara noong 2022.