NOLCOM, handang-handa na para sa ikalawang SONA ni PBBM

NOLCOM, handang-handa na para sa ikalawang SONA ni PBBM

NAKAHANDA na ang hanay ng kasundaluhan sa Northern Luzon Command (NOLCOM) Armed Forces of the Philippines (AFP) sa pinakaaabangang ikalawang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. ngayong Hulyo 24, 2023.

Sa eksklusibong panayam ng SMNI News North Central Luzon kay Maj. Al Pueblas, spokesperson ng NOLCOM, bukod sa seguridad at kapakanan ng sambayanan at ng Pangulo para sa nalalapit na ikalawang SONA ni Pangulong Marcos, isa rin sa pinaghahandaan ng hanay ng kasundaluhan ang inaasahang pagpoprotesta ng mga kontra sa gobyerno lalo na ng mga prente ng komunistang teroristang grupong Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF).

Hindi alintana na ilan sa propaganda at taktikang ginagawa ng CPP-NPA-NDF ang paggamit sa iba’t ibang sektor ng lipunan lalo na sa sektor ng mga kabataan, bagay na ipinanawagan ni NOLCOM spokesperson, Maj Pueblas.

 “Panawagan lang natin sa kanila na huwag naman sana nila idaan sa dahas kung gusto nila na ipaabot ‘yung mga concern nila, idaan na lang sa tamang pamamaraan, huwag na silang manggamit ng mga kabataan, huwag na silang gumamit ng mga iba’t ibang sektor sa ating komunidad para ipasama sa mga rally,” ayon kay Maj. Al Pueblas, NOLCOM Spokesperson.

Ibinahagi rin ni Maj. Pueblas ang tagumpay na nakamit ng hanay ng kasundaluhan at pamahalaan kabilang na ang patuloy na pagsuko at pagbabalik-loob ng mga dating rebelde gayundin ang pagbawi ng suporta ng mga dating tagasuporta ng kilusan at walang tigil na pagtugis ng kasundaluhan sa mga armadong grupo na madalas napupuruhan sakaling may engkuwentro.

Hindi rin tumitigil ang pamahalaan sa pagbibigay ng tamang impormasyon at pagmulat sa sektor ng mga kabataan sa ginagawang panlilinlang ng komunistang teroristang grupo.

Kung kaya nabuo ang Project University na isa sa programa ng pamahalaan katuwang ang iba’t ibang ahensiya ng gobyerno gaya ng National Intelligence Coordinating Agency (NICA).

“Ang isa sa pinaka-purpose ng Project University is to protect ‘yung magandang kinabukasan ng ating mga kabataan na hindi sila malinlang nitong mga teroristang grupo and of course the promotion of patriotism, nationalism, and ‘yun na maging sila sa ating pakikipaglaban sa paggamit ng tunay na kapayapaan at kaunlaran dito sa NOLCOM area,” dagdag ni Maj. Pueblas.

Malaking tulong aniya ang paglulunsad ng Executive Order No. 70 o whole of nation approach ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) na naging susi upang tuluyang humina ang CPP-NPA-NDF.

Nagpapasalamat din si Maj. Pueblas sa aktibong partisipasyon ng lahat ng ahensiya ng gobyerno upang matuldukan at mawakasan ang insurhensiya sa bansa.

“Kami po sa Northern Luzon Command ay nagpapasalamat po sa lahat ng ahensiya ng ating gobyerno na naging aktibo po ngayon sa…in ending the local communist armed conflict and in achieving the genuine peace, lasting peace dito po sa ating area of operation,” ani Maj. Pueblas.

Sa kabilang banda, mahalaga aniya ang pagkakaroon ng Reserve Officers Training Corps (ROTC) lalong-lalo na sa mga kabataan, hindi lang para protektahan ang bansa gayundin ang pagprotekta sa kinabukasan ng bawat kabataang Pilipino.

Dagdag pa nito na laging handa ang NOLCOM sa mga pagsubok na kahaharapin ng bansa lalo na sa seguridad nito.

“Ang ating NOLCOM po ay palagi pong handa sa anumang darating na mga pagsubok lalong-lalo na sa security challenges dito sa atin. Sa amin lang po, gagampanan lang po namin ‘yung mandato namin which is to protect the people lalong-lalo na dito sa area ng NOLCOM,” aniya.

Nagpapasalamat naman si Maj. Pueblas sa sambayanang Pilipino dahil sa pakikiisa at pakikipagtulungan ng mga ito sa pamamagitan ng pagbibigay impormasyon sa kasundaluhan hinggil sa presensiya ng makakaliwang grupo sa kanilang lugar.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter