AFP NOLCOM, gagamitin ang malalakas na armas sa natitirang miyembro ng CTGs sa Hilagang Luzon

AFP NOLCOM, gagamitin ang malalakas na armas sa natitirang miyembro ng CTGs sa Hilagang Luzon

MAY huling babala ngayon ang Armed Forces of the Philippines (AFP) North Luzon Command (NOLCOM) sa mga natitira pang kasapi ng communist terrorist group (CTGs) na Communist Party of the Philippines–New People’s Army (CPP-NPA) sa Hilagang Luzon.

Anila, hindi sila magdadalawang-isip na gamitin ang malalakas nitong armas para puksain ang mga kalaban ng estado.

Sa panayam ng SMNI News kay NOLCOM Public Affairs Office chief Major Anthony Al Pueblas, sa kabila aniya ng kanilang pakiusap sa mga CTGs sa hilagang bahagi ng bansa, nananatili pa ring matigas ang karamihan sa mga ito at patuloy na naghahasik ng kaguluhan sa mga komunidad

 “Totoo po ‘yan, ‘yung ating Armed Forces ngayon is, as part na rin po ng modernization program, mayroon na po tayong high-tech na equipment and of course na mapapadali na rin po nung ating Armed Forces ‘yung pagtunton nitong mga teroristang NPA and with that we believe, alam natin na marami na ring gustong magbalik-loob sa ating pamahalaan,” saad ni Major Anthony Al Pueblas, Chief, Public Affairs Office, NOLCOM, AFP.

Kamakailan lang 2 panibagong engkuwentro ang naitala sa pagitan ng mga NPA at militar sa Cagayan at Cordillera kung saan 2 miyembro sa mga kalaban nito ang nasawi

Ayon sa militar, wala nang mas madaling paraan sa pagkamit ng kalayaan at kapayapaan sa bansa kung makikipagtulungan ang mga rebelde sa pamahalaan sa pamamagitan ng pagsuko ng kanilang mga sarili, mga ideolohiya at mga armas.

 “Actually, alam naman natin na nakailang beses na po mayroong mga encounter na nangyari between our Armed Forces and this terrorist groups, and of course our commander LtGen. Buca ay nananawagan sa lahat ng rebeldeng NPA na magbalik-loob na sa pamahalaan at magbalik-loob na sa kani-kanilang pamilya. Kasi, mismong kami sa Armed Forces ayaw po namin ‘yung makalaban ‘yung kapwa namin Pilipino na maraming dugo na dadanak. ‘Yun po ‘yung ating panawagan ngayon na sana po ay magising na sila sa katotohanan na huwag na silang magpalinlang,” dagdag ni  Major Anthony Pueblas.

Sa isang eksklusibong panayam ng SMNI News, aminado si Ka Mark, isang dating warrior ng Bagong Hukbong Bayan, wala na aniyang lakas ang kanilang paksiyon sa Hilagang Luzon matapos na mamatay ang kanilang mga pinuno na sina Ka Oris at si Joma Sison.

Aniya, halos wala na silang mapagkunan ng suplay na pagkain, pera at suporta.

“Unang-una wala na talagang pagkukunan ng pagkain,…” ayon kay Ka Mark, Former Rebel, Bagong Hukbong Bayan, Northern Mindanao Command.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter