HINDI agad-agad o mabilis na nasosolusyunan ng SIM registration ang text scams.
Ayon ito sa National Telecommunications Commission (NTC) matapos sinabi ni Sen. Sherwin Gatchalian na tinutulugan nila ang kanilang trabaho kontra mga scam.
Binigyang-diin ng NTC na gumagamit na rin ang hackers o scammers ng WhatsApp, Viber, Telegram at Messenger para makapangloko.
Hindi anila saklaw ng batas ang naturang mga messaging app.
Sa ngayon ay nakipag-ugnayan na anila sila sa Viber at Meta na may-ari ng Facebook, WhatsApp at Messenger para tugunan ang isyu.
Matatandaang ang pahayag na ito ni Gatchalian ay kaugnay na rin sa naging raid sa iba’t ibang POGO hubs sa bansa.
Partikular na sa Zun Yuan Technology Inc. Sa Bamban, Tarlac, nakita dito ang sim cards na may pekeng pagkakakilanlan kasabay ang iba’t ibang phone at script para sa scamming purposes.
Pinaniniwalaang ang SIM cards ay ginagamit sa love scams, cryptocurrency scams, at iba pang investment scams.