OFW na dinukot ng sindikato sa Iraq, nailigtas ng recruitment agency; P500K, ransom

OFW na dinukot ng sindikato sa Iraq, nailigtas ng recruitment agency; P500K, ransom

ISANG overseas Filipino worker (OFW) ang dinukot ng sindikato sa Iraq matapos na mapaniwala sa isang online job na nag-aalok ng mataas na suweldo.

Nagawa namang mailigtas ang OFW matapos magbigay ng ransom ang recruitment agency ng kalahating milyong piso.

Hindi makapaniwala ang OFW na si Cielo na magagawa pa rin siyang i-rescue ng kaniyang  recruitment agency sa Iraq kahit ito ay lumabag sa napagkasunduang kontrata.

Isa si Cielo Bosangit Cacao ang nasilaw sa halagang P50-K na iniaalok ng isang recruitment agency sa Iraq na natagpuan sa online.

Mula sa Oman, napadpad ng Dubai si Cielo kahit hindi pa tapos ang kontrata nito.

Dahil sa paghahanap ng mas malaking pagkakakitaan ay tumawid naman ito papuntang Iraq kahit may deployment ban  sa mga Pilipino doon.

Ayon kay Cielo, pagdating doon sa Iraq, ang lahat ng pangako sa kaniya ng recruitment agency ay walang natupad, sa halip nagtrabaho ito ng pitong buwan na walang napupunta sa kaniya kahit magkano man lang.

Kapag may pagkakakitaan sila sa isang araw dapat mai-remit ito nang buo sa naturang sindikato.

Gustuhin man niya tumakas pero hindi niya magawa kaya nagpasya na lang itong umuwi ng Pilipinas sa kondisyon na kailangan bayaran ang hinihinging halaga ng mga sindikato.

Sa kabila ng sobrang paghihigpit ng mga sindikato, nagawa pa niyang makipag-ugnayan sa kaniyang recruitment agency.

Araw ng Huwebes, nakauwi ng Pilipinas na ligtas si Cielo.

Para naman kay Marinel ang presidente ng Meja International Manpower Agency Inc. na nag-hire kay Cielo na obligado sila mailagay sa ligtas ang mga worker na kanilang dinedeploy sa ibang bansa.

Hindi rin ipinaalam ni Cielo sa naturang ahensiya na matapos idineploy ito sa Oman, ay nagpunta pala ito ng Dubai at Iraq.

Aminado rin ang manpower agency na naging hamon sa kanila na maipadala ang pera lalo na kagaya ng Iraq ay hindi ligtas na bansa.

Na-rescue si Cielo kapalit ng kalahating milyong piso.

Ayon din sa ahensiya, first time lang nangyari sa kanila na may worker silang dineploy na nangahas na tumawid ng ibang bansa.

Kauna-unahan ding pagkakataon na magluwal sila ng ganoong kalaking halaga kapalit sa kaligtasan ng buhay ni Cielo.

May paalala rin ang recruitment agency sa mga OFW na nagplaplanong mag-cross county.

Ayon naman kay Atty. David Castillon, ang founder at chairman ng Special Alliance of Welfare Officer, Advocate, Recruiters and Migrant Workers (SWARM), hindi rin magagawa ng sinumang indibidwal na hawak ng sindikato na maiparating sa mga awtoridad ang nangyari dahil papatayin ang mga ito kung mahuli.

Wala ring bilateral agreement ang Pilipinas at Iraq para proteksiyunan ang mga Filipinong nasa Iraq.

Bukod kay Cielo, naniniwala si Atty. Castillon na marami pang mga Pilipino ang nagpupunta sa Iraq kahit ito ay bawal.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter