SUPORTADO ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang paglulunsad ng online voting para sa mga overseas Filipino worker (OFW).
Ito’y pagkaraang aprubahan ng Commission on Elections (COMELEC) ang internet voting sa 2025 National at Local Elections para sa kanila.
Ayon sa DICT, mas madali para sa mga OFW ang online voting at mura naman para sa gobyerno.
Pinagbasehan ng COMELEC ang mga batas gaya ng Section 16.11, Republic Act (RA) No. 9189, Section 28, RA No. 10590 at Section 23, RA No. 10590 para sa paggamit ng mas reliable, efficient na sistema at paggamit ng alternatibong paraan ng pagboto sa pag-apruba ng online voting.
Una nang sinabi ng COMELEC na layunin nila na mapataas ang voters turn out.
Malaki umano ang nagagastos nila sa absentee voting pero napakababa naman sa voters turn out.
“Spending P411-M resulting to a dismal 39% turn out (although highest in history) is not value for money so to speak. Why are not so many overseas Filipinos voting personally or by mail (presently the mode of voting for them) ? Maybe they need another mode,” ayon kay Atty. George Garcia, Chairman COMELEC, Higher Overseas Voter Turnout.
Ayon kay DICT Sec. Ivan Uy, malaking kaginhawaan para sa mga OFW ang online voting, dahil hindi na nila kailangan pang pumunta ng embahada at gumastos para makapagboto.
Maliban dito, mas makatitipid din ang gobyerno sa gagastusin sa halalan.
Ang kailangan lang umano ayon kay Sec. Uy ay masiguro ang aspeto ng seguridad ng ganitong paraan ng pagboto.