ILULUNSAD ng Department of Migrant Workers (DMW) ang overseas Filipino worker (OFW) pass bilang kapalit ng Overseas Employment Certificate (OEC) sa pamamagitan ng isang app.
Ito’y upang tuluyan nang matutuldukan ang kalbaryo ng mga OFW na pumila para lamang makakuha ng OEC.
Nais ng DMW na padaliin, huwag nang papilahin at gawing libre ang overseas Filipino worker pass na dating (OEC) na binabayaran ng mga OFW.
Sa isang Kapihan sa Manila Bay Forum araw ng Miyerkules sinabi ni Migrant Workers Secretary Susan Ople na sumasailalim na ngayon sa mahigpit na pagsusuri ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang DMW mobile app kung saan matatagpuan OFW pass bago pa gawin ang pormal na paglulunsad.
Ito’y upang tiyakin ng DICT na ang naturang mobile app ay ligtas.
Pagtitiyak din ng kalihim, kapag nasimulan na ang paggamit ng OFW pass ay hindi muna agad aalisin ang OEC para bigyan ng pagkakataon ang mga kababayan abroad na pag-aralan ang pag-download at paggamit ng naturang app.
Paano ba gumamit ang OFW pass?
Una, i-download ang DMW mobile-app at mag-register.
Matapos mag-register o mag log-in maaari nang mag-apply ng overseas Filipino worker pass.
Sa app na ito, kailangan ang passport at selfie.
Kapag natanggap na ng system ang passport at ang selfie, magkakaroon na ng overseas Filipino worker pass account na may lifetime ERN ang isang aplikante.
Para makita, i-click ang view ng OFW pass.
Tandaan kailangan dumaan sa visa verification process para maging active at magamit ang overseas Filipino worker pass para makapasok at makalabas ng Pilipinas habang nagtra-trabaho sa ibang bansa.
Sa ngayon, ayon kay Usec. Patricia Yvonne Caunan, Undersecretary for Policy and International Cooperation, DMW, patuloy rin ang kanilang pagsasanay sa volunteer teachers para tulungan ang ating mga kababayan kung paano gamitin ang app.
Aminado rin si Ople para sa mga OFW na humihiling na tuluyan nang alisin ang mga requirements gaya ng OEC.
Pag-alis ng OEC, ikinatuwa ng mga OFW
Samantala, ikinatuwa naman ng mga OFW na gagawing madali na ang pagkuha ng OFW pass kapalit ng OEC.
Wala pang final kung kailan ilulunsad ang nasabing app.