KINUMPIRMA ng tagapagsalita ng Pentagon kahapon na bibisita sa South Korea ang isang Ohio-class nuclear powered, ballistic missile submarine ng U.S. upang ipakita na totoo ang pakikipagkasundo nito sa South Korea.
Matapos ang 6-day state visit ni Pangulong Yoon Suk-yeol sa Estados Unidos ay nagsagawa ng kasunduan ang lider ng U.S. at South Korea na ngayon ay kumakalaban sa North Korea.
Ito ay tinawag na ‘Washington Declaration’ kung saan parehong nanindigan sina Biden at Yoon na pigilan ang mga banta ng North Korea.
Ayon kay Brig. Gen. Pat Ryder, isang Ohio-class SSBN model ang bibisita sa South Korea sa ilalim ng bilateral na kasunduan sa pinalawig na deterrence commitment ng U.S. sa South Korea.
Bilang karagdagang plano sa pagbisita ng SSBN, ang kasunduan ay nananawagan ng pag-deploy ng mga strategic asset ng U.S. sa South Korea, kasama ang pagtatatag ng isang bagong nuclear consultative group na magbibigay-daan sa mas maraming South Korean input at kung paano naghahanda ang U.S. para sa nuclear contingencies sa Korean Peninsula.
Samantala, hindi na nagbigay ng karagdagang detalye si Ryder kung ano ang magiging laman ng submarine.