NATO, magtatayo ng liaison office sa Tokyo

NATO, magtatayo ng liaison office sa Tokyo

PLANO ng North Atlantic Treaty Organization (NATO) na magbukas ng liaison office sa Tokyo, Japan at kung matutuloy, ito ang kauna-unahang opisina ng NATO sa Asya.

Sa pamamagitan ng opisinang ilalaan para sa NATO, maaari nang magsagawa ang ahensiya ng military alliance consultation sa rehiyon gaya ng South Korea, Australia at New Zealand.

Palalawigin din ng NATO at Japan ang kanilang kooperasyon sa pamamagitan ng pagpirma sa individually tailored partnership program bago ang NATO Summit sa Vilnius, Lithuania sa Hulyo 11 – 12.

Samantala, ang hakbang na ito ay parehong kinumpirma ng mga opisyal ng NATO at Japan.

Ang ideya ng pagbubukas ng liaison office ay unang pinag-usapan sa pagitan ni Prime Minister Fumio Kishida at NATO Secretary General Jens Stoltenberg sa pagbisita nito sa Tokyo noong Enero.

Ayon sa plano, nais ng NATO na magbukas ng one-person Liaison Office sa Tokyo sa 2024.

Kung sino ang magpopondo sa pagtatayo ng nasabing opisina ay hindi pa malinaw sa ngayon.

Matatandaan na ang NATO ay mayroong liaison office sa United Nations sa New York, sa organization for security and cooperation sa Vienna maging sa Georgia, Ukraine, Bosnia, Hersegovina, Moldova, at Kuwait.

Follow SMNI NEWS in Twitter