One Ayala EDSA Busway Station, bukas na

One Ayala EDSA Busway Station, bukas na

BUKAS na sa publiko ang One Ayala EDSA Busway Station sa Makati City,  Nobyembre 18.

Sa pakikipagtulungan sa Ayala Land Incorporated, panibagong terminal ang pinasinayaan na pinangunahan ni Transportation Secretary Jaime Bautista at ilang opisyal mula sa mga attached agency nito.

Ang bagong One Ayala ay isang intermodal transport hub sa kahabaan ng EDSA na maaring puntahan ng mga south-bound buses, AUV, at modern jeepneys.

Ang naturang pasilidad ay kayang mag-accommodate ng libu-libong pasahero kada araw gamit ang mga transportasyon.

Gayundin ang ‘Libreng Sakay’ ng pamahalaan na magiging 24 oras na simula sa Disyembre 1.

Sinabi naman ni Shiella Aguilar, project development manager ng Makati Estate Ayala Land na nais nilang bigyan ng maayos at kumbinyenteng sakayan ang mga residente ng Makati.

Kung kayat, dito itinayo ang bagong Ayala EDSA Busway Station.

Malaking hamon aniya sa lugar ang kakulangan ng mga transport terminal, kayat ito ang nag-udyok sa naturang kumpanya na tumulong sa pamahalaan upang magkaroon ng maayos at ligtas na terminal para sa mga pasahero.

Pagtitiyak pa nito, maiiwasan na ang matinding traffic sa EDSA dahil tatanggalin na ang bus na pumaparada o kumuha ng mga pasahero sa baba ng MRT Ayala Station.

Ang One Ayala EDSA Busway Station ay may 3 bay, ang bawat isa ay maaaring sabay-sabay na tumanggap ng 9 na bus sa pila.

Ang mga pasaherong patungo sa northbound ay magkakaroon ng access sa One Ayala EDSA Busway Station sa pamamagitan ng McKinley-Ayala Footbridge na direktang konektado sa 2nd Floor ng One Ayala Terminal.

 

Follow SMNI News on Twitter