HUMINGI ng tulong ang Office of the Presidential Adviser for Peace Reconciliation and Unity (OPAPRU) sa Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) upang mapigilan ang paglala ng tensiyon sa pagitan ng mga tribo sa Sadanga, Mountain Province at Tinglayan, Kalinga.
Ito ay kasunod ng pagkamatay ng isang mangangaso mula sa Barangay Bekigan, Sadanga, Mountain Province.
Sa pahayag ng OPAPRU, nanawagan sila sa mga tribo sa lugar na maging mahinahon upang maiwasan ang karahasan.
Labis aniya na ikinalungkot ni acting OPAPRU Secretary Isidro Purisima ang karahasan na walang lugar sa isang makatao, malaya at mapayapang lipunan.
Kasabay nito, hiniling ng OPAPRU sa mga nakakatanda ng mga tribo na mapayapang resolbahin ang anumang hindi pagkakaunawaan sa lugar.