Operasyon ng malalaking POGO, sa Visayas at Mindanao ipinagpatuloy—PAOCC

Operasyon ng malalaking POGO, sa Visayas at Mindanao ipinagpatuloy—PAOCC

SA isang panayam kay Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) Usec. Gilbert Cruz, kinumpirma nito na sa Visayas at Mindanao na nag-ooperate ang mga ipinasarang malalaking Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) hub sa Luzon.

Aniya, may nakarating na impormasyon sa kanilang tanggapan na nagtungo sa Visayas at Mindanao ang mga POGO para ipagpatuloy ang iba’t ibang operasyon nito partikular na ang online scamming.

Sa katunayan, kalahati anila sa mga tauhan mula sa bagong ni-raid na POGO sa Silang Cavite ay nag-alsa balutan sa Puerto Princesa at doon nagpatuloy ng operasyon.

Naniniwala naman ang PAOCC na hindi madali ang trabaho sa pagsugpo sa POGO sa bansa dahil nagtatago aniya ang mga ito sa pinakaliblib na mga lugar o gusali na hindi agad napapansin ng mga awtoridad at mismong LGU.

Pero matatandaang, binalaan na ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang lahat ng LGU na magsumite ng No POGO Certificate ang mga ito hanggang sa katapusan na lang ng Enero ngayong taon.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter