Mga LGU sa bansa, pinagsusumite ng “No POGO Certificate” hanggang sa katapusan ng Enero 2025

Mga LGU sa bansa, pinagsusumite ng “No POGO Certificate” hanggang sa katapusan ng Enero 2025

HINDI na nagpaligoy-ligoy pa ang

Department of the Interior and Local Government (DILG) sa babala nito sa lahat ng local government unit (LGU) upang tapusin na ang problema ng operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) sa bansa.

Sa pahayag ni Interior Secretary Jonvic Remulla, tila hindi na nito ikinatutuwa na may natitira pa ring POGO sa kabila ng pangako ng pamahalaan na tatapusin na ito sa taong 2024, subalit hanggang ngayon, may mga POGO pa rin na nag-ooperate sa bansa.

Ani Remulla, hindi siya magdadalawang-isip na papanagutin ang mga alkalde kung mayroon pa ring POGO sa kani-kanilang mga nasasakupan.

Kaugnay rito, nag-utos na ang kalihim sa lahat ng LGU na magsumite ng “No POGO Certificate” bilang patunay na malinis ang kanilang lugar gaya ng mga gusali na ginagamit sa operasyon ng POGO.

“Mensahe ito sa lahat ng LCE, husayan n’yo trabaho, siguraduhin n’yong inspeksyunin n’yo lahat ng mga building.  Kayo rin ang mananagot kung mahuli namin na pinasok n’yo mga building at hindi kayo nag-report sa amin,” ayon kay Sec. Jonvic Remulla, DILG.

Nito lamang Enero 8, matapos ang pagsalubong ng Bagong Taon, 400 illegal aliens ang nahuli ng mga awtoridad na sangkot sa online scam na hindi anila malayo sa operasyon ng POGO na pinangunahan ng Bureau of Immigration sa Brgy. Tambo, Parañaque City.

Agad na sinulatan ang Parañaque City LGU para pagpaliwanagin sa nasabing insidente, ngunit hanggang ngayon wala pang tugon ang lokal na pamahalaan ukol rito.

“Full operation eh, 400 plus, so susulat kami sa LGU, hihingi kami ng paliwanag kung ano talaga ang nangyari,” saad ni Remulla.

Matatandaang, una nang ipinagmalaki ni President Bongbong Marcos Jr. sa kaniyang 2024 State of the Nation Address (SONA) na tatapusin niya ang POGO sa bansa.

Sunod na ipinag-utos nito sa

Philippine National Police (PNP) at Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) ang pagwalis sa mga POGO sa katapusan ng taong 2024 ngunit bigo naman itong naisakatuparan.

Ayon sa PAOCC, naghiwa-hiwalay ang mga POGO at nag-iba ng mga lokasyon para makapagpatuloy sa kanilang ilegal na operasyon na hindi nahuhuli ng mga awtoridad.

Ngayong taon, nangangako ang mga pangunahing ahensiya na wawakasan ang mga POGO sa unang kwarter ng 2025.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble