NANINIWALA ang Commission on Elections (COMELEC) na sinuspinde na ng Philippine National Police (PNP) ang kontrobersyal na kampanya kontra loose firearms na “Oplan Katok” bilang bahagi ng mahigpit na paghahanda para sa May 2025 Midterm Elections.
Sa ngayon, tila wala nang natatanggap na ulat ang COMELEC kaugnay sa pagbabahay-bahay ng mga pulis sa mga may-ari ng baril na expired na ang License to Own and Possess Firearms (LTOPF).
Ayon kay COMELEC Chairman Atty. George Erwin Garcia, matagal na nilang iginiit na kailangang sumunod ang PNP sa mga patakarang ipinatutupad ng COMELEC bilang pangunahing nangangasiwa sa halalan.
Isang mahalagang hakbang ito para maiwasan ang anumang pang-aabuso ng mga politiko gamit ang mga private at public armed groups na maaaring gamitin upang takutin ang mga botante pabor sa isang partikular na kandidato o partido.
“Napansin natin na wala tayong namomonitor tungkol sa Oplan Katok …at umiikot na private armed groups,” ayon kay Atty. George Garcia.
Sa katunayan, base sa monitoring ng COMELEC, may ilang lugar sa bansa kung saan namataan ang ilang indibidwal na nakabonet at umiikot sa mga barangay.
Giit ng ahensya, isa ito sa mga nais nilang iwasan sa darating na halalan, kasabay ng kanilang layunin na tiyakin ang isang maayos, patas, at malinis na proseso ng pagboto sa Mayo.
Dahil dito, agad inatasan ng COMELEC ang PNP na arestuhin ang mga kahina-hinalang indibidwal upang mapanatili ang kapayapaan at maiwasan ang anumang kaguluhan o karahasan ngayong eleksyon.
“Namomonitor natin ‘yung pag-iikot ng mga nakabonet, nakamotor… peace and order in the entire country,” saad ni Atty. Garcia.
Matatandaang matapang nang nagbabala ang COMELEC laban sa sinumang magtatangkang manggulo ngayong halalan, at sinabing paiigtingin nila ang aksyon laban sa mga ito upang masigurong magiging mapayapa at maayos ang eleksyon.
Samantala, pumalo na sa 29 ang bilang ng election-related violence o mga karahasang may kaugnayan sa eleksyon.
Ang datos na ito ay naitala mula Oktubre 2024 hanggang ngayong buwan ng Marso 2025.
“Base sa kanilang datos mula October hanggang ngayon March 1, may 29 na ERVs na nakalap nila. Kaya lang, sa bilang na ito, hindi pa kasama ang insidente sa Abra noong isang araw at sa Lumbaca-Unayan sa Lanao del Sur. Kaya naman, iminungkahi natin na agad itong i-update batay sa mga pinakahuling pangyayari,” ani Garcia.
Patuloy naman ang panawagan ng COMELEC sa publiko, lalo na sa mga kandidato at kanilang mga tagasuporta, na sumunod sa mga ipinatutupad na batas upang maiwasan ang anumang pananagutan.