SIMULA araw ng Lunes, unti-unting sisimulan ang reshuffling sa mga tauhan ng Office for Transportation Security (OTS) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) terminals.
Pero ayon kay OTS Administrator Usec. Ma. O Aplasca, ang paglilipat ng Security Screening Officer (SSO) sa iba’t ibat terminal lamang din ng NAIA ilalagay.
Ayon din kay Aplasca, seryoso sila sa kanilang isinagawang internal cleansing program sa OTS.
Lalo na’t halos paulit -ulit ang mga tiwaling ginagawa ng ilan sa kanilang mga tauhan.
Matatandaan nitong mga nakaraang linggo ay naging sunod-sunod ang insidente ng pagnanakaw sa NAIA terminals sa mga turistang dayuhan.
Una nang nag-viral sa social media ng pagnanakaw ng tatlong SSO sa isang Thai national na 20,000 yen o katumbas ng mahigit P8,000 sa NAIA terminal-2.
Sinundan din ito ng isang OTS personnel ng pagnakaw ng relo ng isang Chinese national sa NAIA terminal-1.
Ayon kay Aplasca kahit tanggal na ang mga ito sa serbisyo ay maghahain pa rin sila ng kasong kriminal sa mga naturang screening officer.
Pero para kay Pastor Apollo C. Quiboloy ng The Kingdom of Jesus Christ, pabor siya na masisante ang mga tauhan na sangkot sa extortion incident sa NAIA.
“Sanay silang lahat ay hindi ganyan kasi nakakasira sa imahe natin yan,” saad ni Pastor Apollo C. Quiboloy.
Samantala kung may ilang pasaway na tauhan ang OTS ay may marami namang security officers sa mga paliparan ang naging tapat sa kanilang tungkulin.
Lunes ng umaga nang bigyan ng pagkilala ng OTS ang 29 indibidwal mula sa kanilang opisina, airport police ng Manila International Airport Authority (MIAA) at Philippine National Police Aviation Security Group (PNP AVSEGROUP).
Tumanggap ang mga ito ng Commendation Award dahil sa kanilang katapatan at huwarang pag-uugali sa pagpigil ng mga iligal na gawain sa paliparan.
Gaya ng pagsauli ng mga pera at mahahalagang gamit ng mga naiiwan ng pasahero sa paliparan.
Isa si Aldean sa mga pinarangalan dahil sa pagsauli nito ng P200,000 cash at mahahalagang gamit na naiwan ng isang pasahero sa isang screening checkpoint noong February 22, 2023 sa NAIA terminal -3
“Pag hindi po sa atin wag po natin pag interesan,” ayon kay Aldean Bassig , SSO, NAIA T-3.
Ayon kay Aplasca, mas naniniwala siya na mas maraming mabubuting tauhan ang OTS kaysa sa mga gumagawa ng iligal na aktibidad sa mga paliparan.
“We recognize the exemplary conduct of our personnel,” ayon kay OTS Administrator Usec. Ma. O Aplasca.
Ayon kay Aplasca, sisimulan ang balasahan mula sa mga supervisor na itinalaga sa bawat NAIA terminal.