NAGPASALAMAT ang Office of the Vice President (OVP) sa patuloy na tiwala ng mga Pilipino kay Vice President Sara Duterte bilang isang lider at ang pagkilala sa kaniyang pagganap bilang isang lingkod-bayan.
Sinabi ng OVP na ang mataas na trust at performance ratings ng mga Pilipino kay VP Sara batay sa survey ng OCTA Research ay lalo pang nagbibigay inspirasyon sa kanila.
Anila, kanila pang paiigtingin ang kanilang mga pagsisikap sa pagbibigay ng epektibo, abot-kamay, at mabilis na serbisyo at programa para sa lahat ng mga Pilipino.
Nangako ang OVP na mas pagbutihin pa nila ang kanilang mga pagsisikap na maabot, paglingkuran, at makapagbigay ng pagbabago sa buhay ng mga Pilipino.
Matatandaan na nakakuha si VP Duterte ng 77% trust rating at 75% performance rating sa Tugon ng Masa Survey ng OCTA sa ikaapat na quarter ng December 2023.