KINUMPISKA ng pulisya ang tinatayang P1,360,000 halaga ng shabu sa isinagawang drug buy-bust operation sa Brgy. Lalakhan, Santa Maria Bulacan.
Sa ulat kay Lt. Col. Jacquiline P. Puapo, Bulacan Police Officer-In-Charge, isinagawa ang operasyon sa pamamagitan ng pinagsanib pwersa ng Provincial Drug Enforcement Unit/Provincial Intelligence Unit (PDEU/PIU) sa kolaborasyon ng Sta. Maria Police nitong Martes Disyembre 12.
Inaresto sina alias ”Buddy”, 40, isang high value individual, isang electrician mula sa Lower Bicutan Taguig at kasamahan nitong lalaki.
Nakumpiska sa mga suspek ang umaabot sa 200 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang P1,360,000 at marked money.
Dinala na sa Bulacan Provincial Forensic Unit (PFU) ang mga nakumpiska para sa eksaminasyon kasama ang mga suspek.
Mahaharap ang mga suspek sa paglabag sa Republic Act 9165.