BINIGYAN ng parangal ang limang rescuers sa Bulacan na nagbuwis ng buhay noong Bagyong Karding.
Isinagawa ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa pamamagitan ng Office of Civil Defense (OCD) ang Ika-23 Gawad Kalasag Seal and Special Awards for Excellence.
Sa nasabing aktibidad pinarangalan ang mga indibidwal, organisasyon, local government units (LGUs), at iba pang stakeholders na sumuporta sa Disaster Risk Reduction and Management (DRRM) programs.
Kabilang sa 11 kategorya ay ang GK Seal for Local DRRM Councils and Offices, GK Seal Special Awards for Best Civil Society Organization, Best People’s Organization, Best Volunteer Organization, Best Higher Education Institutions.
Gayundin ang Best Private Organizations, Best Government Emergency Management and Response Teams (GEMS), Best Hospitals, Best Schools, GK Special Recognition for Individuals and Organizations, at Heroic Act for Individuals and Groups.
Kabilang sa pinarangalan ang Bulacan Rescue Squad na sina George Agustin, Troy Justin Agustin, Marby Bartolome, Jerson Resurrecion, at Narciso Calayag Jr.
Kung matatandaan na ang mga nabanggit ay pumanaw habang ginagampanan ang kanilang tungkulin sa bayan bilang mga rescuer noong kasagsagan ng Super Typhoon Karding taong 2022.
Ayon kay Michelle Resurrection asawa ni Jerson Resurrection sinabi nito na habang nabubuhay pa ang kaniyang asawa ay ang pagtulong sa kapwa ang tanging ninanais nito.
“Yung passion ‘yan ‘yung malaking itutulong sa atin para maresolve ang climate change, jan siya nagsimula sa pagiging volunteer and passion din niya ang pag-response, pagtulong,” ayon kay Michelle Resurrection, asawa ni Jerson Resurrecion.
Nawala man sa kanilang piling ang kaniyang asawa, nagpapasalamat pa rin ito sa pamahalaan dahil hindi kinakalimutan ang pagiging bayani at kontribusyon ng kaniyang asawa sa panahon ng sakuna.
“Masakit sa amin dahil nawala sila, masaya kami dahil ina-accept lahat ng government ‘yung pagiging heroic nila, ‘yung tulong na binigay nilang tulong sa Bagyong Karding na-recognized lahat ‘yung hirap” dagdag ni Michelle.
Para naman kay Nancy Agustin, ina ng pumanaw na rescuer na si Troy Justine Agustin, aniya noong nabubuhay pa ang kaniyang bunsong anak ay pareho sila ng layunin at ‘yun ay ang tumulong sa mga nangangailangan.
“Pareho kami ng passion kung sino ‘yung pwedeng tulungan, humihingi ng tulong ginagawa namin ‘yun siya nga eh nagre-rescue siya pag may humihingi ng tulong pino-forward niya sa akin tulungan kami” ani Nancy Agustin, nanay ni Troy Justine Agustin.
Kaya naman hindi nila habol ang anumang parangal ngunit ganun pa man nagpapasalamat ito sa pamahalaan dahil hindi kinalimutan ang kabayanihan ng kaniyang anak.
“Hindi kami sa award eh, talagang hindi nasayang kasi love nila ang trabaho nila, hindi dahil sa award o may binibigay na premyo hindi ‘yun eh” ayon pa kay Nancy.
Samantala, ang nasabing aktibidad ay pinangunahan ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Benjamin Abalos Jr. at Department of National Defense (DND) Secretary Gilberto Teodoro Jr.
Dumalo rin dito ang mga lider mula sa iba’t ibang LGU sa buong bansa upang tumanggap ng parangal dahil sa kanilang mga programang ipinapatupad na may kaugnayan sa kahandaan sa sakuna.
Nagsisilbi rin ang parangal bilang mekanismo ng performance assessment ng LGU at stakeholders sa pagsusulong ng DRRM programs.