MULING ihihirit ng 3 transport groups sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ngayong araw ang P1 dagdag-pasahe sa jeep.
Kinumpirma ng grupong Pasang Masda na muli silang tutungo sa tanggapan ng LTFRB, ngayong araw, Agosto 22.
Sa panayam kay Obet Martin, Presidente ng Pasang Masda, ito ay upang pormal na ihain ang inihirit na P1 dagdag-pasahe sa pampasaherong jeep.
Ito na rin ay sa gitna ng sumisirit na dagdag namang presyo ng mga produktong petrolyo.
Pormal nilang ihahain ang provisional increase na P1 at sa oras naman na matuluy-tuloy pa ang pagtaas sa presyo ng krudo ay hindi aniya sila magdadalawang-isip na maghain muli ng taas-pasahe.
Punto pa ni Obet, nasa P400 na ang nawawala sa kita ng mga tsuper dahil napupunta lang sa paggastos sa krudo.
Samantala, epektibo, umaga ng Martes, Agosto 22 ang muling taas-presyo sa mga produktong petrolyo.
Ayon sa mga oil company P1.10 ang itataas sa kada litro ng gasolina, P0.70/L sa kerosene at P0.20 kada litro sa diesel.