PINAGKALOOBAN kamakailan ng Department of Agrarian Reform (DAR) ang mga magsasaka na miyembro ng Barlo Agrarian Reform Cooperative ng isang solar-powered irrigation system na nagkakahalaga ng isang milyon.
Ang solar-powered irrigation system ay inaasahang makatutulong sa problema sa tubig ng mga magsasaka at mga residente sa Mabini, Pangasinan.
Bahagi ito ng pagsisikap at mandato ng kagawaran na matulungan ang mga Agrarian Reform Beneficiaries dahil na rin sa pabago-bagong klima.
Ang nasabing SPIS ay kayang magsuplay ng tubig sa tatlo hanggang limang ektaryang taniman na pakikinabangan ng tatlumpung magsasaka.
Umaabot sa P20,000 ang nagagastos ng bawat magsasaka sa pagpapatubig, kasama na rin ang upa sa water pump, upa sa tao, at krudo.
Sa tulong ng SPIS, mababawasan ang gastos ng mga magsasaka dahil hindi na sila bibili ng gasolina para sa kanilang mga generator set, sa halip ay gagamitin nila ang sikat ng araw para sa operasyon ng kanilang mga makinarya.
Samanatala, may kabuuang walumpu’t limang mga magsasakang-miyembro mula sa tatlong ARB organizations ang natulungan ng kagawaran na nagtapos sa Farm Business School sa Ilocos Norte.
Layunin ng FBS na turuan ang mga magsasaka na maging mga negosyante sa pang-agrikultura upang isulong ang pagsasaka bilang isang negosyo.
Ang mga kalahok ay nagbigay ng malinaw na pananaw at tungkulin kung ano ang nararapat sa kanilang mga sakahan at nag-isip rin sila ng mga paraan kung paano maisasakatuparan ang kanilang mga plano.
Ang 85 magsasaka ay mga miyembro ng Timpuyog ti Sta Maria-San Antonio Farmers Irrigators Association, Inc., Namnama Agrarian Reform Beneficiaries Multipurpose Cooperative at Daquioag Bannuar Farmers Irrigators Association, Inc.